TAUN-TAON tila dumaraan sa butas ng karayom na pakiusapan sa mga sidewalk vendors ang ginagawa ng mga pulis sa Quaipo. Kadalasan nauuwi sa bastusan at puwersahan ang paggiba sa illegal structures at illegal parking vehicles sa mga kalye na dinaraanan ng prusisyon ng Poong Nazareno. Kasi nga regular na itong pinagkakakitaan ng mga taga-Manila City Hall, barangay officials at Manila Police District Headquarters at mismong taga-Police Station-3 kung kaya ang pagmamatigas ng ilang umuokupa sa kalye ay nauuwi sa pabingi-bingihan, hehehe! Sino naman ang kanilang sisisihin ito bang mga vendors at parking attendant na naghahanapbuhay lamang upang kumita ng kunting datung na pagpaparti-partehan nila sa mga obligasyon sa mga nabanggit kong tanggapan? Kaya tuloy lumalaban na sila sa mga pulis na nagtataboy sa kanila dahil hindi nila nasusulit ang mga tara o lagay na kanilang pinakakawalan. Kadalasang nalilipasan din ng gutom itong mga isang kayod isang tuka sa kalye dahil sa halip na ilalaman na nila sa kumakalam na bituka ng kanilang pamilya ay napupunta pa sa mga kolektor. Iyan ang pangunahing dahilan kung bakit hindi basta-basta pumapayag na maalis ang mga vendor at parking attendant sa kanilang inuukopang lugar diyan sa kapaligiran ng Quiapo.
Nitong nagdaang araw, naging palaisipan ang pagsunog sa mobile car no. 3305 (back to back vehicle) ng PS-3 sa Quezon Boulevard. Ayon sa impormasyon, nagsasagawa umano ng clearing operation ang mga bataan ni Supt. Jackson Tuliao nang maganap ang panununog sa mobile car. Epekto kaya ito ng paglilinis ng mga pulis o baka naman gumanti lang ang mga ito dahil sa pambabraso ng ilang kolektor? Kung sabagay hindi lamang iyan ang napuna ng aking mga kausap dahil ang pamamayagpag ni pergalan queen sa lungsod ni Mayor Joseph Estrada ay hindi kayang supilin ng MPD at maging ng National Capital Region Police Office. Kasi nga close open at palipat-lipat lang ng puwesto ang operasyon ng color games diyan sa kahabaan ng Quezon Boulevard.
Maging sa gilid ng Sto Nino Church sa Tondo ay 24/7 na ang operasyon. Kaya tuloy ang tanong nitong aking kausap, may kredibilidad pa ba ang kapulisan sa ngayon? Marahil nagsawa na sila sa palabas na “Huli-tiklop- bukas” ng mga kapulisan ng NCRPO, CIDG at MPD. May tama itong aking kausap dahil kung inyong matatandaan noong nakaraang linggo, natakasan pa nga ng siyam na preso ang PS-2 dahil ayon sa aking mga kausap abala ang mga pulis ni Supt. Nic Pinon sa pagpapatrulya sa kapaligiran ng Sto Niño Church. Paano kasi sinalakay ng mga tauhan ni RD. Joel Pagdilao ang tatlong puwesto ng color games sa Chacon Street kung saan apat katao ang binitbit sa Bicutan, ngunit pakitang gilas lamang iyon para di mahalata ni RD Pagdilao na pasok na rin sa tarima ang ilan niyang mga tauhan. hehehe! Ganyan din kaya ang mudos ng mga tauhan ni RD Pagdilao sa Quiapo area. Abangan!