EDITORYAL - ‘Liku-likong daan’ sa Bureau of Immigration
TULAD sa Bureau of Customs, pinamamahayan din nang mga matatakaw na buwaya ang Bureau of Immigration. Para sa mga matatakaw na buwaya sa dalawang tanggapan, hindi nila sinusunod ang “tuwid na daan” na lagi nang ibinabando ni President Noynoy Aquino at sa halip, “liku-liko at mabatong daan” ang kanilang nilandas. Habang walang tigil si P-Noy sa pagmamalaki sa “tuwid na daan” ng kanyang administrasyon, naglipana ang mga matatakaw na buwaya sa dalawang tanggapan. Mas naging mabagsik ang mga buwaya sa Bureau of Immigration sapagkat pinatatakas ang mga dayuhang nakapiit sa kanilang tanggapan, kapalit nang malaking halaga ng pera.
Sinibak ni P-Noy si Immigration commissioner Siegfred Mison at 17 iba pa noong Miyerkules dahil sa corruption. Agad ipinalit kay Mison si Ronaldo Geron Jr. Itinanggi naman ni Geron na sinibak siya ng Presidente. Ang BI ay nasa ilalim ng Department of Justice.
Nag-ugat ang pagsibak kay Mison nang paulit-ulit na makatakas ang isang South Korean habang naka-detained sa BI. Bukod kay Mison, 17 iba pa, kasama ang isang guwardiya, ang kinasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa pagtakas ni Cho Siongdae noong nakaraang taon. Inirekomenda ng NBI ang pagsasampa ng administrative charges at grave misconduct kay Mison at sa BI guard na si Juan Rafael Ortega.
Bago ang pagtatalaga kay Mison noong nakaraang taon, marami nang corruption na nagaganap sa BI. Nagbitiw din sa puwesto si dating Immigration chief Ricardo David Jr. dahil sa mga eskandalo sa tanggapan. Kabilang dito ang ginawang panunuhol ng Chinese na si Wang Bo ng $100 million sa mga opisyal ng BI para makatakas. Si Wang Bo ay wanted sa kanilang bansa. Noong 2011, naging kontrobersiya rin ang isang BI chief na kinasuhan at hinatulan ng korte dahil sa pagtakas ng 11 Indians na sangkot sa drug trafficking, kapalit umano nang malaking pera.
Walang pagkakaiba ang nangyayari noon at ngayon. Hindi na nakapagtataka sapagkat nananatili sa tanggapan ang matatakaw na buwaya. May aalising buwaya pero buwaya rin ang ipapalit. Walang katapusan ang paglipana ng buwaya sa BI.
Ngayong may bago nang commissioner ang BI sa katauhan ni Geron, siya na kaya ang lulupig sa mga matatakaw na buwaya, o wala ring pagkakaiba sa mga nauna?
- Latest