TINAPOS na ng DOH ang kanilang pagtatala ng mga nasaktan noong selebrasyon ng bagong taon. At kung sa umpisa ay natuwa sa mababang bilang ng mga nasaktan itong taon, tila nabura na lahat ang kasiyahan. Umabot na sa 929 ang bilang ng mga nasaktan, mas mataas ng walong porsyento kumpara sa nakaraang taon. At ang nakakabahala pa, mas bata ang mga biktima ngayon kumpara sa mga nakaraang taon. Tatlumpu’t tatlo sa mga nasaktan ay kailangang putulan ng ilang bahagi ng katawan. At siyempre, piccolo pa rin ang sanhi ng karamihan ng mga nasaktan. Patunay na marami pa rin ang pasaway, marami pa rin ang walang kadala-dala, at marami pa rin ang nakakalusot sa pagbebenta ng piccolo.
Kaya mas malakas na ang panawagan na ipagbawal na nang husto ang lahat ng uri ng paputok. Hindi talaga mapipigilan ang marami na bumili ng mga paputok kung may nabibilhan. Malinaw na hindi rin masaway ng maraming magulang ang kanilang mga anak na huwag bumili ng mga paputok, lalo na ang piccolo. Hindi rin mabantayan ng mga otoridad ang lahat ng mga nagbebenta ng paputok. May nakakalusot pa rin. Kapag kita na ang pinag-uusapan, wala na sa isip ng mga nagbebenta ang mga peligro na dulot ng paputok.
Natukoy na rin kung sino ang mga nagpaputok ng mga high-powered na armas noong kasagsagan ng bagong taon. Sa video, maririnig na Ilocano ang kanilang salita, kaya agad inisip na sa Pilipinas nangyari. Pero lumabas sa imbestigasyon na ang nagpaputok ng baril ay taga-Pangasinan nga, pero kasalukuyang nasa Guam. Doon pinaputok ang mga baril. Inaresto na rin pala ang nagpaputok ng baril na si Edgardo Quinit noong 2006 sa Guam, dahil rin sa pagpapaputok ng baril. Kaya pasaway talaga. Kung ano ang gagawin sa kanya ng gobyerno ng Guam dahil sa video na ito ay hindi pa malaman, pero bawal din ang ganitong gawain sa nasabing bansa.
Malayo pa rin tayo sa sinasabing “zero casualty” sa tuwing bagong taon. Ayaw pa rin magbago ng nakagisnang kaugalian kapag bagong taon ang maraming mamamayan, partikular mga bata. Mga hindi makapagpigil magpaputok. Kaya hindi rin mapipigilan ang pagtaas ng bilang ng mga nasasaktan.