DAHIL sa sunud-sunod na anomalya at kapalpakan niya, natural lang pagsuspetsahan ang bawat kilos nitong Liberal Party president at Transport Sec. Joseph Emilio Aguinaldo Abaya.
Nu’ng Christmas-New Year holidays nagpuslit si Abaya ng dalawang maseselang appointments. Umalis si Alfonso Tan Jr. bilang hepe ng Land Transportation Office, at ipinalit si Roberto Cabrera, dating executive director ng Land Transport Franchising and Regulatory Board. Umalis din si U-Sec. for Legal Affairs Jose Perpetuo Lotilla, at ipinalit si Reggie Boiser Ramos, dating A-Sec for legal. Hindi pa malinaw kung sino ang inihalili kina Cabrera at Ramos sa dati nilang puwesto.
Naunang nabisto ang pagpuslit ni Abaya ng dalawang anomalya noon ding Kapaskuhan. In-award niya ang P3.81-bilyong maintenance ng MRT-3 commuter rail sa Koreanong Busan Transport Corp. at apat na misteryosong Pilipino partners. Ito’y sa paraang closed-door negotiations imbis na open bidding, mula sa imbentong “emergency.” Kaduda-duda, ang Busan na may net worth na P140 bilyon ay 4% lang ng consortium, habang ang apat na Pilipino na halos P1 bilyon lang ang net worth ay 96%. Ni wala itong mga karanasan sa riles: Ang Edison Construction Development Corp. ay nagtatayo ng condos, ang Tramat ay nagbebenta ng pangsaka, ang TMI Corp. ay trader, at ang Castan Corp. ay tubero.
Ipinuslit din ni Abaya sa Pilipinas ang ikalawang prototype ng MRT-3 coach mula China. Wala itong makina, tulad ng unang prototype nu’ng Agosto; ibig sabihin, labag sa P3.85-bilyong pagbili ng 48 coaches, hindi ito na-test-run nang 5,000 km para sa kapabilidad at safety. Hiwalay pang bibili si Abaya ng makina mula Germany, isasalpak sa shell coaches, at saka pa lang magte-test-run sa sira-sirang riles ng MRT-3. Isinasapalaran niya ang buhay ng mga pasahero at motorista.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).