TALAGANG mukha ng kapabayaan at kapalpakan ang MRT3. Ang matagal nang sira at pupugak-pugak na mala-sardinas na tren. Isa ito sa mga big ticket infrastructure project na pinagpipilitang ihabol ng administrasyon bago matapos ang kanilang termino.
Pinondohan ng P3.8 bilyon para sa loob ng tatlong taon pero hindi na dumaan sa public bidding. Ayon kay DOTC Sec. Joseph Abaya “emergency” na raw kasi. Busan Transport Corporation ng Korea kasosyo ang apat na Filipino company ang binigyan ng bilyones na kontrata na dapat nagsimula na noong Martes, Enero 5.
Ang problema, hindi pa man nag-uumpisa ang tatlong taon nilang pagiging maintenance provider ng MRT3, umatras na agad ang Korean firm. Nag-aalala sa posibleng maisasampang kaso sa kanilang kumpanya. Ayaw daw nilang masabit sa kaliwa’t kanang isyu at kaso ng anomalya at korupsiyon na kinakaharap ngayon ng DOTC.
Kaya ang DOTC ngayon, para hindi mapahiya, tahimik na hinihilot ang dating maintenance provider. Pinapakiusapang i-extend pa ng isang buwan ng German-Filipino joint venture Schunk Bahn-und Industreitechnik-Comm-Buolders and Technology Philippines ang natapos nang kontrata noong Enero 4 taong kasalukuyan.
Malas lang ng DOTC, ayaw na ring pumayag ng German firm na mag-extend pa. Nadala na yata sa pagiging balahura ng ahensya. Papaano ba naman kasi sa kontratang P131 milyones, P28 million pa lang ang nababayaran ng gobyerno.
Ang P102 milyones, utang pa rin ng DOTC sa Schunk Bahn-und Industreitechnik-Comm-Buolders and Technology Philippines. Nagsampa na ng kasong kapabayaan laban sa mga opisyal ng MRT3 sa Ombudsman ang German-Filipino joint venture contractor. Nagbabanta rin sila na kakasuhan ang pamunuan ng DOTC.
Dahil sa kapabayaan at kapalpakang ito ng ahensya, tuloy pa rin ang kalbaryong buhay ng mga pobreng mananakay ng tren.
Sec. Joseph Abaya, mahiya-hiya ka naman sa pagiging manhid at kawalang-hiyaan ng departamento mong pinamumunuan!
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.