Hindi garantiya

ANO ang napansin ninyo sa mga naging presidente ng ating bansa?

Hindi ba lahat sila ay nagtataglay ng sikat na pangalan sa larangan ng pulitika? Si Cory Aquino, nilabanan si Marcos kaya nakilala.

Si Gen. Fidel Ramos naging bayani ng EDSA Revo­lution noong 1986 kaya sumikat at naging bukambibig ang pangalan.

Si Joseph Estrada, isang sikat na artista kaya nanalong presidente.

Si Gloria Macapagal-Arroyo, damay sa sikat na apelyido ng kanyang amang si Pres. Diosdado Macapagal.

Si Noynoy Aquino na wala palang kakayahang maging mahusay na presidente, nanalo dahil gina­mit niya ang pangalan ng kanyang magulang na wala namang  naibigay na kontribusyon para umunlad ang Pilipinas.

Ano ang aking punto? Na ang sikat na apelyido ay hindi garantiya na ang ibinotong presidente ay magi­ging  mahusay sa paglilingkod.

Bagama’t hindi ako social scientist, isa sa mga dahilan kung bakit lagi na lamang sikat na pangalan, dahil hindi conscious ang karamihan sa mga botante na saliksikin ang pagkatao ng bawat kandidato. Madali silang maniwala sa “puro paganda” na lalong kilala bilang propaganda ng kandidato sa TV at radyo.

Madali silang magdesisyon batay sa TV o radyo commercial ng kandidato at nagkakaroon ng perception na si Kandidato A ang pinakamagaling dahil iyon ang sinasabi sa radyo at TV.

Pero kung magiging mapanuri lamang ang mga botante, at susuyurin nilang mabuti ang record ng bawat kandidato, malamang matutuklasan nila na ang mga katangiang sinasabi sa radyo at TV commercial ng isang kandidato ay gawa-gawa lamang.

Dahil paano paniniwalaan ang mga kandidato na mahal nila ang masa gayong matagal na sila sa kapang­yarihan ngunit wala silang ginagawang aksiyon para ibasura ang contractualization?

Paano nila sasabihing mahal nila ang mahihirap gayong BFF nila ang mga gahamang kapitalista na nagpapahirap sa mga manggagawang limang  buwan lamang ang kontrata? Higit nilang mahal ang mga tycoon dahil milyones ang hinihingi nilang campaign funds tuwing eleksiyon.

Show comments