NAKA-DALAWANG puntos na si independent presidential candidate Grace Poe kaugnay ng kinakaharap niyang disqualification case:
Ang una ay nang magpalabas ng TRO ang Korte Suprema laban sa disqualification ng COMELEC laban kay Grace dahil hindi raw natural born Filipino at; ang pangalawa ay ang pagkatig ng Solicitor General na abogado ng pamahalaan sa naunang desisyon ng Senate Electoral Tribunal (SET) na nagbabasura sa petisyon laban kay Poe ni Rizalito David na batid nang marami kung ano. Anang SolGen – ang opinion ng SET na si Poe ay natural born Filipino citizen ay tama.
Problemado ngayon ang COMELEC. Walang magtatanggol sa disqualification nito kay Grace sa gaganaping oral argument sa Korte Suprema sa Enero 19. Ang tagumpay na ito ni Grace ay tagumpay rin ng bawat Pilipinong foundling o napulot at inampon na ang lahat ng karapatan bilang mamamayang Pilipino ay dapat pangalagaan.
Hindi pa tapos ang laban ni Grace pero ito ay isang malaking tagumpay at pahiwatig na umaayon sa kanya ang mabuting kapalaran.
Dapat pasalamatan si Solicitor General Florin Hilbay at ang kanyang pangkat ng mga de kalibreng abogado sa desisyong ito na pumapabor kay Grace. Sa halip na ang COMELEC ang kakatawanin nito sa Supreme Court sa oral argument, kakatawanin nito ang SET na naunang nagbigay ng paborableng desisyon para kay Grace sa oral argument sa Enero 19. Tahasang sinabi ng SolGen na walang grave abuse of discretion na ginawa ang SET sa desisyon nito na si Poe ay natural born citizen at legal na nakuhang muli ang citizenship niya bilang Pilipino sa ilalim ng Republic Act 9225 matapos legal na talikdan (renounce) ang kanyang foreign citizenship. Dagdag pa ng SolGen “Poe’s use of her US passport cannot be considered a recantation of her renunciation of US citizenship.” Naniniwala ako na ang mga bagong developments na ito ay gagabay sa ating pinagpipitaganang Korte Suprema upang makapagpalabas ng tamang desisyon sa usapin.