Si independent presidential candidate Grace Poe na ang nagsalita: Hindi niya pinaniniwalaan ang mga “intriga” na nagtataksil sa kanya ang kanyang vice presidential candidate na si Chiz Escudero.
Hinala ko, ang mga inihahasik na ito ng mga nagsasabing sila ay supporter ni Grace ay naglalayong wasakin ang kanilang tambalan dahil matatawag na formidable o mahirap buwagin. Si Grace ay nangunguna pa rin sa survey kahit pa may kinakaharap na kasong disqualification at si Chiz ay nangunguna rin bilang vice presidential choice ng maraming mamamayan.
May lumabas na balita na umano’y binatikos ng mga supporters ni Grace si Chiz dahil sa pagbabakasyon nito sa Japan nung kapaskuhan kasabay ng kasagsagan ng laban ni Poe sa kanyang disqualification case. Kung totoo man ito, may karapatan namang ipasyal ni Chiz ang kanyang asawa sa araw ng Pasko at ito’y hindi maituturing na kataksilan sa kanyang presidential running mate.
At kung hindi man laging nakakasama ni Grace si Chiz sa pangangampanya hindi rin ito matatawag na pagtataksil sa panig ng huli. Alalahanin natin na nasa kainitan pa ang pagsasama nina Chiz at Heart Evangelista at kahit na ako ang may asawang ganun kaganda ay maglalaan ako ng maraming oras para sa kanya.
Sino nga ba itong Philippine Crusaders for Justice na nagpoprotesta laban sa anila’y pagtataksil ni Chiz? Kung supporter sila ni Grace, bakit hindi sila kinikilala ng Senadora?
Sa pag-analisa ko lang, may nagnanais na buwagin ang matibay na tambalang Grace-Chiz dahil patuloy na namamayagpag sa survey. Kung ang pag-uusapan naman ay ang disqualification case ni Grace, mukhang umaayon sa kanya ang pagkakataon. Mismong ang Solicitor General na siyang abogado ng estado ang nagsabing hindi ito puwedeng mag-abogado para sa COMELEC sa harap ng Korte Suprema kaugnay ng kaso ng Senadora pero ito’y mag-aabogado para sa Senate Electoral Tribunal na naunang nagbasura sa petisyon ni Rizalito David laban kay Grace.