HINDI ako sang-ayon sa ginamit na terminong “uninhabitable” na ang Metro Manila sa susunod na apat na taon.
Pananaw ito ng senior advisor ng American Chamber of Commerce of the Philippines na si John Forbes sa matinding trapiko.
Hindi angkop ang ginamit niyang termino bagamat kumakapal ang bilang ng mga sasakyan. ‘Uninhabitable’ ibig sabihin, hindi na maaaring tirahan ang kalakhang Maynila sa 2020?
Nabahala dito ang Malakanyang. Biglang kumambyo sa isyu bago pa lumaki. Nananatili at determinado raw ang administrasyon na iresolba ang lumalalang problema sa trapiko.
Hindi na bago ang problemang ito.
Sa pag-aaral na ginawa ng Japan International Cooperation Agency (JICA) noong 2012, P2.4 bilyong piso araw-araw ang nasasayang sa lansangan. Kung susumahin sa taong 2030, aabot na raw ito sa P6 bilyong piso kada araw.
Hindi ko na bubusisiin pa kung ano ang nasa utak ni Forbes sa kaniyang paglalarawang “uninhabitable.”
Hindi matiyak kung direktamente niyang sinasaltik ang pamahalaan sa uring pangangasiwa mayroon ang ating bansa o nababahala siya sa mga posibleng dulot ng trapiko.
Tulad nga ng lagi at paulit-ulit kong sinasabi sa BITAG Live, lansangan ang repleksyon kung anong uring pamumuno, panunungkulan, kulay at kultura mayroon ang isang bansa.
Dito makikita kung disiplinado o balahura ang mga mamamayan at kung pabaya at palpak ang mga namumuno at nangangasiwa.
Hindi na ako magsasalita. Tingnan niyo nalang ang mga mistulang mahahabang parking lot na mga kalsada.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.