ANG pagsisimula ng Bagong Taon ay panibagong simula at panibagong pagkakataon para sa atin upang gawin ang mga nais nating gawin, baguhin ang mga masasamang gawi, at tuparin ang ating mga pangarap. Ngayong Bagong Taon ay marami rin tayong hinahangad at inaasahan na mangyayari, hindi lang para sa ating mga sarili kundi para sa ating bansa.
Sana ay magawan ng solusyon ng pamahalaan ang napakabigat na problema ng trapik. Nawa ay maging disiplinado ang mga gumagamit ng ating kalsada upang magbigyan at sumunod sa mga batas trapiko, tamang babaan at sakayan at manumbalik ang respeto sa mga tagapagtupad ng batas trapiko.
Nawa ngayong taon ay maisaayos na ang tila naghihingalong mga tren ng LRT at MRT na siyang malaking tulong sana upang mabilis at maagang makarating sa destinasyon ang maraming taga-lungsod. Inaasahan na ngayon taon ay darating na ang bagong bagon ng mga tren at sana nga ay maipatupad ito nang maayos at walang hokus-pokus para sa benepisyo ng mananakay.
Sana ay maging handa ang pamahalaan sa matinding epekto ng El Niño sa paparating na tag-init. Nawa ay handa ang sektor ng agrikultura upang tulungan ang ating mga magsasaka na maaaring mawalan ng kabuhayan dahil sa inaasahang matinding tag-init. Gayundin ang sektor ng enerhiya sa posibilidad ng kakulangan ng suplay at pagkaantala ng negosyo at ekonomiya.
Sana ay mabilang nang tama at sakto ng Commission on Elections (Comelec) ang boto ng mga mamamayan sa darating na halalan. Hangad natin na magtagumpay sila, sa tulong ng mapagmatyag na mamamayan, sa pagsigurong ang darating na halalan ay magiging malinis, tapat at kapani-paniwala.
Nawa ang susunod na uupong Presidente sa kalagitnaan ng taon ay isang mahusay na lider na may kakayahang mapagkaisa ang bansa, sa halip na maging sanhi pa ng pagkakawatak-watak ng mga Pilipino. Nawa ang kanyang liderato ay maging epektibong tagapagpatupad ng batas at magdadala ng kaunlaran sa bansa, lalo na sa mas nakakaraming mahihirap.
Inaasahan natin na ang bagong taon ay magdudulot ng mga makabuluhang pagbabago sa mukha at kakayahan ng ating pamahalaan upang mas makapagsilbi nang tama at sapat sa publiko.