KAHAPON, naranasan na naman (kailan ba hindi) ang grabeng trapik sa Metro Manila. Nagbalikan na ang mga bakasyunista mula sa probinsiya at umpisa na ng trabaho at pasok sa school makaraan ang dalawang linggong break.
Usad pagong na uli ang trapik sa kahabaan ng EDSA. Balik uli ang trapik sa A. Bonifacio, Balintawak at Cubao. Nagmistulang parking uli ang Guadalupe, Makati at wala na ring galawan sa Buendia, Osmeña Highway, Taft Avenue at Roxas Boulevard.
Pero hindi pa umano ito ang pinaka-grabeng trapik na mararanasan ayon sa isang opisyal ng American Chamber of Commerce (ACC) of the Philippines.
Ayon kay John Forbes, senior advisor ng ACC, sa 2020 ay lalo pang malubha ang trapik sa Metro Manila at dahil sa kalubhaan, hindi na ito maaaring tirahan sapagkat lalo pang darami ang sasakyan. Ayon kay Forbes sa 2020 ay tinatayang madadagdagan ng 500,000 ang mga sasakyan sa Metro Manila. Malaking problema aniya ito ayon kay Forbes kaya nararapat nang gumawa ng hakbang ang pamahalaan para madagdagan ang mga kalsada at skyway gayundin ang mga riles. Kung hindi magkakaroon ng mga access roads sa bansa, mararanasan ang pinakagrabeng trapik at hindi maaaring tirahan ang Metro Manila.
May katotohanan ang mga pahayag ni Forbes. Ngayon pa lamang ay nakikita na ang katotohanan nito sapagkat nararanasan na ng mga motorista ang trapik na halos madaling araw na kung makauwi sa kani-kanilang tahanan. Mayroong sa kanilang sasakyan na inaabutan ng unang tilaok ng manok. Walang improvement sa trapik at lalo pang lumubha.
Ipinoste na ang mga Highway Patrol Group (HPG) subalit wala ring pagbabago. Sa mga unang linggo lamang nagkaroon ng bahagyang pagluluwag pero nang tumagal, balik uli sa dati.
Karagdagang mga kalsada at skyway ang nararapat. Ipatupad sana ito ng mauupong presidente ngayong 2016. Ipatupad din ang pagbabawal sa mga lumang sasakyan na nagdadagdag ng trapik sa Metro Manila.