MGA SULOK NG PADER lang ang araw-araw mong nakikita. Hampas at sigaw ng amo ang lagi mong hinaharap.
Kahit mahinang tinig man lang ng anak mo, maka-usap ito at magpalakas sa ‘yo ay pinagkakait pa.
Ganito ang kalimitang pinagdaraanan ng ating mga kababayang nagtatrabaho sa ibang bansa.
“Nung una inireklamo niya na ang kompanya niya. Nung malaman basta na lang siya pinauwi dito ng Pilipinas. Sumunod na balita namin nakakulong na siya,” ayon kay Ruth.
Nagtatrabaho sa Qatar ang kapatid ni Ruth Loreto na si Rachelle Loreto bilang ‘cleaner’ sa Hammad International Airport.
Abril 2015 nang umalis ng bansa si Rachelle sa pamamagitan ng ahensyang Empire International Human Resources Inc. Ipinasok siya sa kompanyang Al-Fajeer Decoration & Display Fittings.
Habang tumatagal si Rachelle dun napapansin niya ang iregularidad ng kompanya. Pagkatanggap niya ng sahod may kung anu-anong kaltas na. Hindi naman ipinaliwanag sa kanila kung saan nagmula ang mga ito.
“Yung day-off nila limang oras lang daw. Wala silang health card at kapag nagkasakit sila ang bahalang magpagamot sa sarili nila,” pahayag ni Ruth.
Sinubukang humingi ng tulong ni Rachelle sa kanyang ahensya dito sa Pilipinas ngunit imbes na tulungan sila ay pinagalitan pa umano sila ng ahensya.
Nagpasyang magsampa ng reklamo si Rachelle ngunit nang malaman ito ng kompanya agad na kinansel ang kanyang visa at inihatid siya sa airport.
Ayaw pang umuwi ni Rachelle dahil may kailangan pa siyang daluhan tungkol sa reklamo niya. Pansamantala siyang nakitira sa kaibigan niyang si Cathy.
“Inakala naming ayos lang siya dun. Nung sumunod na balitang nakarating sa amin nakakulong na siya sa Sanea Deportation Camp,” ayon kay Ruth.
Hindi na nila alam kung paano makakauwi kaagad ng Pilipinas si Rachelle. Wala naman daw itong mahingan ng tulong tungkol sa kanyang problema.
Nakilala niya dun ang kapwa Pilipina na si Florida Ellar na natulungan naming makauwi ng bansa. Siya ang naging daan upang makausap namin ang pamilya ni Rachelle sa problema niya sa Qatar.
“Sana po matulungan niyo ang kapatid kong makabalik dito sa bansa. Sila ang naagrabyado dun pero siya pa ang nakakulong ngayon,” sabi ni Ruth.
****SA IBA NAMANG KWENTO ng ating mga OFW, lumapit din sa amin si Marilou Ambita upang ihingi ng tulong ang kanyang hipag na si Edelyn Astudillo.
Kwento ni Marilou umalis ng Pilipinas si Edelyn nung Marso 20, 2015 sa tulong ng Manumoti Manpower International Inc.
Nagtrabaho siya sa Taif, Kingdom of Saudi Arabia bilang Household Service Worker (HSW).
Kinukulong umano ito ng kanyang amo dahil sa selos. Hindi rin pinapayagang makipag-text o makipag-usap man lang sa pamilya dito sa Pilipinas.
“Wala siyang sahod, walang day-off. Nag-aalala na kami sa kanya dahil Agosto pa nang huli namin siyang makausap,” salaysay ni Marilou.
Kung anu-anong numero raw ang ginagamit ni Edelyn para makapuslit ng tawag sa kanila. Dun nila nalaman kung anong hirap ang dinaranas nito sa among si Andar Abdullah Rahsid Al-Suehan.
Nakipag-ugnayan na sila sa ahensya ni Edelyn dito sa Pilipinas ngunit wala pa itong maisagot sa kanila. Hihintayin pa raw nila ang sagot ng ahensya nito sa Taif na Asad Marei Office for Recruitment.
“Mula Abril nagreklamo na kami sa kanila pero bakit parang hindi man lang sila umaaksyon. Buhay ng tao ang nakasalalay dito hindi kung anong bagay lang,” pahayag ni Marilou.
Hindi naman daw sila nakakasiguro kung talagang alam ng ahensya sa Taif ang nangyari kay Edelyn.
Naaawa na rin siya sa mga anak ni Edelyn na palagi na lang umiiyak dahil hindi nila alam kung ano na ang nangyari sa kanilang ina.
“May nakarating sa aming balita na umalis na ito sa amo pero hindi kami naniniwala dahil hanggang ngayon hindi pa rin siya tumatawag sa ‘min. Iniisip namin na baka tinatago lang siya ng kanyang employer,” ayon kay Marilou.
Sa dami ng mga OFW na nagrereklamo sa kani-kanilang ahensya hindi na alam ng pamilya ni Edelyn kung sino ang kanilang paniniwalaan. Napagpasyahan na nilang lumapit na lamang sa amin upang humingi ng tulong.
“Gusto rin naming maireklamo ang ahensya na hindi man lang umaksyon para wala na silang mapahamak na iba pang aplikante. Nag-aalala kami sa kapamilya namin pero wala man lang silang magawa. Sila naman itong nagpaalis,” wika ni Marilou.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sa unang kwento na aming itinampok, nakipag-ugnayan kami sa Department of Foreign Affairs (DFA) kay Usec. Rafael Seguis upang ibigay ang lahat ng detalye tungkol sa naging problema ni Rachelle.
Agad naman niyang kinausap ang ating embahada sa Qatar at nangako si Consul General Cotawato Arimao na pupuntahan nila ang Qatar Deportation upang malaman ang problemang ito ni Rachelle.
Ang tungkol naman kay Edelyn, sumagot si Vice Consul Rodney Jonas Sumague ng Jeddah. Nawawala na raw itong si Edelyn dahil tumakas na sa kanyang employer at ito’y nai-report na ng kanyang employer. Hindi na raw matagpuan ngayon si Edelyn.
Nagpadala na raw sila ng ATN Section Team upang hanapin si Edelyn. Nakausap din nila ang employer niyo at kinumpirmang dalawang buwan na ang nakakaraan mula nang ito’y tumakas.
Maging ang ahensya ay hindi na makontak si Edelyn. Sa ngayon ang ATN Section at ang POLO/OWWA ay nakikipagtulungan sa ibang sangay upang mahanap si Edelyn.
Anumang balita tungkol sa problemang ito ay agad naming ipapaalam sa inyo.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotlines: 09198972854
Tel. Nos.: 7103618