MALAKING problema ang iniwan nina dating Justice secretary Leila de Lima at Bureau of Corrections director Franklin Bucayu sa National Bilibid Prisons. Sa area na 450 ektarya, itong NBP ang pinaka-malaking bilangguan sa bansa. Ang kapasidad nito ay 17,500, pero halos doble na, 32,000, ang inmates. Hindi agad nailipat nina Bucayu at De Lima ang iba sa prisons sa Tagum (Davao) at Iwahig (Palawan), na siksikan na rin.
Marami sa inmates ang kasapi sa isa sa siyam na malalaking gangs: Oxo, Sigue-Sigue, Sputniks, Commandos, Batang City Jail, at iba pa. Parang hari ang mga gang lords; ano man ang hiling, ibinibigay ng mga “kakosa” sa selda: Pera, pagkain, taga-paypay o masahe, puslit na sigarilyo, alak at droga, at pati sex sa kapwa lalaki o sa bisitang babae (asawa, kapatid). Kapalit nito ay proteksiyon ng bilanggo mula sa pangingikil o pananakit ng ibang gangs.
Hindi nagtagal mas lumaki ang gangs kaysa bilang ng prison guards. Naging mas siga sila kaysa pamunuan ng DOJ-BuCor. Kapalit ng “kapayapaan” -- walang riots, malakihang eskapo, gang wars -- pinayagan ng mga naunang opisyal na magbuhay-VIP (very important persons) ang gang bosses. Pinatira sila sa mga kubol sa labas ng selda.
Kinalaunan, kinabitan ang mga kubol ng air-cons, jacuzzis, giant TVs, home theaters, recording studios, massage beds at chairs, computers, at wi-fi telecoms connections. Ikinabit ang kuryente nga sa metro ng bilangguan, halagang P2 milyon kada buwan, na siya namang binabayaran ng DOJ-BuCor gamit ang pera ng bayan.
At mula roon nag-imbak na ng mga armas -- baril, bala, granada — ang mga gangs. Miski inilipat sa NBI headquarters ang gang lords, nagpatuloy ang raket sa ilalim nina De Lima at Bucayu. Ipinalit sa kanila sina Justice sec. Benjamin Caguioa at BuCor dir. Ricardo Reinier Cruz.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).