Kargo de konsensiya

ANG dugo ng OFW na si Joselito Zapanta na pinugutan ng ulo sa Saudi Arabia ay nasa kamay ni President Aquino.

Sana ay naiwasan ang kanyang kamatayan kung hindi naging iresponsable at pabaya ang presidenteng tunay na walang malasakit sa mahihirap.

Bilang presidente na ibinasura ang death penalty at bilang isang bansa na kumikilala sa mga OFW bilang bagong bayani ng republika, napakadali sana kung ginawa lamang niya ang sumusunod para iligtas sa kamatayan si Zapanta.

Una, dapat tinawagan niya ang Hari ng Saudi Arabia na si King Salman, at hiniling na patawarin si Zapanta. Pero kung nahihiya siyang gawin ito dapat ay ipinatawag niya sa Malacañang ang ambassador ng Saudi sa Pilipinas at hiniling nito na iparating sa kanyang Hari ang kanyang kahilingang patawarin si Zapanta o gawin na lamang habambuhay ang parusa.

Mas malamang papayag ang Hari at baka siya pa ang nagbayad ng diyah o blood money sa pamilya ng Sudanese na napatay ng ating kababayan.

Maari ring agad na iniutos ni Haring Salman na agad palayain si Zapanta at payagan agad itong umuwi.

Hindi ba alam ni Noynoy na ang salita ng Hari ay batas na hindi mababali?

Maliit na bagay ito kay Salman kung nakiusap lamang si Aquino. Halimbawa lang na hindi pinaunlakan ni Salman si Noynoy na mas malamang na hindi nangyari P25 milyon na lamang ang  kulang sa hinihinging P48 milyon na blood money, kaibigan nga niya ang switik na tycoon at hari ng kontraktuwalisasyon, isang bulong lang niya sa mga ito ay tiyak na mag-uunahan pa sila na sagutin ang kulang na P25 milyon.

Katulad ng nauna kong sinabi sa aking kolum na kung saan ay hiniling ko na iligtas niya ang buhay ni Zapanta pero hindi niya ginawa. Habambuhay na kargo de konsensiya niya ang kamatayan ng isang Pilipino na hindi niya iniligtas gayong kaya niyang gawin.

Ang aking mataos na pakikiramay sa pamilya Zapanta ng Pampanga lalo na sa kanyang dalawang anak.

Show comments