BUKAS ay bago na ang hepe ng Land Transportation Office (LTO). Hinirang si Robert Cabrera na kapalit ni Alfonso Tan na nagbitiw noong kalagitnaan ng Disyembre. Umano’y nagbitiw si Tan dahil sa job pressure. Naging hepe ng LTO si Tan noong Setyembre 2011, kapalit ni dating LTO chief Virginia Torres na sumakabilang buhay noong bisperas ng Bagong Taon dahil sa atake sa puso.
Malaking hamon kay Cabrera, dating executive director ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pamumuno sa LTO. Maraming problema sa nasabing tanggapan kabilang na ang hindi maideliber na mga plaka ng sasakyan, mga lisensiya ng driver at ang kuwestiyunableng kontrata na pinasok ng LTO. Naging kontrobersiyal din ang pagkuha ng NBI at police clearance ng mga nag-aaplay ng driver’s license.
Sa kabila ng mga kontrobersiya sa LTO, wala namang ginagawang aksiyon ang Department of Transportation and Communications (DOTC). Ang LTO ay nasa ilalim ng DOTC na pinamumunuan naman ni Sec. Joseph Abaya. Marami ang nagtataka sa kabila ng mga kontrobersiya sa LTO, hindi makagawa ng hakbang si Abaya para mapabilis ang serbisyo o pagdedeliber ng mga plaka at lisensiya. Gayung nasa ilalim niya ang LTO wala siyang aksiyon para malutas ang problema. Sa kasaysayan ng LTO ngayon lamang nagkaroon ng pagkakaantala sa pagdedeliber ng mga plaka at lisensiya. Ang nakapagtataka pa sa nangyayari sa LTO, singil sila nang singil para sa mga bagong plaka pero wala silang maibigay. Ganundin sa driver’s license na inabot na ng kalahating taon ang mga nag-renew pero hanggang ngayon, wala pa rin silang maiisyung lisensiya. Sagad sa kapalpakan ang LTO.
Malaking responsibilidad ang nakaatang kay Cabrera sa pag-upo sa LTO. Kailangang ipakita niya ang husay para maibangon ang lugmok na tanggapan na grabe ang tinatanggap na batikos mula sa mamamayan. Dapat kayanin niyang lutasin ang iniwang problema ng mga palpak na hepe ng LTO.