Mag-ingat sa pangako
NOONG 2001, sinabi ni Senador Miriam Santiago na tatalon siya nang walang parachute mula sa eroplano kung si dating Presidente Erap ay kayang arestuhin ng mga awtoridad sa kinakaharap na plunder case. Akala siguro ni Miriam ay walang sapat na “bayag” ang gobyerno para gawin ito. Pero nangyari ang pag-aresto at hindi ginawa ni Miriam ang pangako.
Isang pakutyang bulalas lang iyan at alam nating hindi seryoso, pero sa mga taong nakakarinig, lalu pa’t nagmumula sa isang may mataas na katungkulan ay laging siniseryoso ang ganyang mga salita. Kaya nga nang tanungin noon si Miriam kung bakit hindi niya tinupad ang pangako, bumulalas siya ng malutong na halakhak at sinabing “I lied!” But Miriam is one character who can get away from the situation and retain her dignity.
Ang ating Presidente Aquino ay may ginawang kahawig ng klasikong “I lied” ni Miriam. Sabi niya noong 2013, kasama niyang magpapasagasa sa tren si Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya kapag hindi natapos sa loob ng dalawang taon ang linya ng LRT Line 1 na mag-uugnay sa Baclaran at Bacoor, Cavite. Lampas na ang dalawang taon mula noon at wala pa rin ang LRT Line 1 pero hindi nagpasagasa ang Pangulo at si Abaya.
Importanteng proyekto ito na inaasahan ng mga commuters dahil tinatayang makapagsisilbi sa 250,000 pasahero araw araw. Kaya naaalala ng tao ang pangakong yaon ng Pangulo kahit pa ito’y isang biro lang.
Alam naman natin na walang taong matino ang isip ang magpapasagasa sa tren o tatalon mula sa eroplano. Ang punto lang natin ay huwag gagawa ng imposibleng pangako kahit biro dahil kung hindi tutuparin ito, malaking isyu laban sa taong nangako gaya ni Presidente Aquino lalu pa’t siya ang pinakamataas na pinuno ng bansa.
- Latest