MAYROON na namang namatay na bata dahil sa ligaw na bala. Ang hindi pinangalanang bata, 9-anyos, ay naglalaro malapit sa Ipo Dam sa Norzagaray, Bulacan noong Disyembre 24 nang tamaan ng ligaw na bala. Nakauwi pa ang bata sa kanilang bahay at napansin ng ina na hinang-hina ito at nanlalambot. Nang tingnan ang likod, nakita roon ang maraming dugo. Dinala ang bata sa ospital subalit makalipas ang isang araw ay namatay. Napinsala ang internal organ ng bata. Hawak na ng mga pulis ang balang tumagos sa katawan ng bata at iniimbestigahan na kung sino ang nagpaputok ng baril.
Naulit na naman ang nangyari noong Disyembre 31, 2012 kung saan tinamaan din ng bala ang 7-anyos na si Stephanie Nicole Ella ng Camarin, Caloocan City. Nanonood ng fireworks display si Nicole at mga pinsan nang bigla itong matumba. Nang tingnan ang ulo, mayroong dugo. Isinugod sa East Avenue Medical Center si Nicole subalit namatay din. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa nahuhuli ang nakapatay kay Nicole na umano’y isang pulis.
Ilang linggo na ang nakararaan, ipinakita ng mga miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) na nilagyan na nila ng tape ang bunganga ng kanilang mga baril para hindi maiputok sa pagdiriwang ng Bagong Taon. Maganda ang naisip nila at maaaring gayahin ng iba pang alagad ng batas. Pero kahit hindi na gawin ang paglalagay ng tape, basta matino, responsible at may disiplina ang pulis, hindi siya magpapaputok ng baril sa Bagong Taon sapagkat alam niyang bawal iyon. Hindi na kailangang ibando sa mundo na nilagyan ng tape ang baril.
May isang epektibong paraan para lubusang mapigilan ang mga “trigger happy” sa Bagong Taon. Ito ay ang pagbibigay ng pabuya sa sinumang magsusumbong sa mga magpapaputok ng baril. Kapag may pabuya magiging mabilis ang pagresolba sa kaso. Madaling mahuhuli ang “trigger happy” at tiyak na mapaparusahan sa ginawang pagpatay. Kapag may pabuyang pera, agad ituturo ang suspect. Ibang mangusap ang pera.