PAUSE muna tayo sa mga kuwentong Presidentiable, Miss Universe, at MMFF. Palapit na ang ingay ng paputok ng Bagong Taon. At ngayon ay anibersaryo ng pagbitay sa Luneta ng ating pambansang bayani, si Dr. Jose Rizal. Dahil sa bayolente at maingay na paraan ng kanyang pagkapatay, bigla kong nagunita ang mga marahas na naranasan ng ibang matataas na personalidad sa pamahalaan at lipunan hatid ng maingay na paputok.
Si Ninoy Aquino, isa ring pambansang bayani, ay napatay -- biktima ng putok ng baril. Ang kanyang anak, si Pres. Benigno Aquino III, ay may nakabaon na bala sa leeg dala rin ng paputok ng baril sa kudeta laban sa kanyang Inang si President Cory. Noong 1971 sa Plaza Miranda, sina Senator Jovito Salonga, Gerry Roxas at mga kandidato ng Liberal Party ay pinasabugan din ng bomba na naging sanhi ng malalang injuries sa kanilang lahat. Ang ama ni Sen. Roxas at Lolo ni Sec. Mar Roxas na si Pres. Manuel Roxas ay naging biktima rin ng assassination attempt nang tapunan ito ng granada sa entablado. Kung lalaliman pa ang hukay sa ating kasaysayan, matutuntunan ang pambabaril na ginawa kay Heneral Antonio Luna sa Cabanatuan o ang pamamaril ng kanyang kapatid na si Juan Luna sa kanyang asawa at biyenan. Kamakailan naman ay mainit pa ang alaala ng pagkamatay ng SAF 44 sa mga bala ng kanilang kalaban.
May makulay at maingay ding kasaysayan ang mga Presidente ng Amerika pagdating sa mga putukan at pasabog. Siyempre marami sa kanila ay nasangkot sa mga giyerang pandaigdig at giyerang sibil. Ang ilan ay naging biktima ng karahasan laban sa kanilang pagkatao. Pinakatanyag ang kaso nina Abraham Lincoln at ni John F. Kennedy na kapwa biktima ng pamamaril.
Sa parating na bagong taon, hindi pa rin mawawala ang paputok – kasama na rin ang maingay na pasabog sa ating pulitika. Ganyan talaga dito sa Pilipinas. Sana lang ay hindi ito lumala at humantong sa mga halimbawa ng karahasan na aking inilahad.