NGAYON ang ika-15 anibersaryo ng madugong Rizal Day bombings. Maaliwalas ang panahon at walang palatandaan na may malagim na mangyayari ng araw na iyon ng Disyembre 30, 2000. Hanggang pumutok ang unang bomba dakong alas-dose ng umaga sa Light Rail Transit (LRT) habang papalapit sa Blumentritt Station. Sa lakas ng pagsabog, nawasak ang bubong ng LRT. Nagkagulo ang mga pasahero sa tindi ng pagsabog. Lahat ay tuliro. Hindi malaman kung saan susuling. Nang mahawi ang usok, natambad ang mga patay. Maraming dugo sa sahig at dingding ng coach. Maraming tsinelas na naiwan, prutas na nadurog at mga pagkain na ihahanda marahil sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Kasunod na sumabog ang isang bomba na inilagay sa ilalim ng upuan ng isang pampasaherong bus sa Cubao. May sumabog din sa Plaza Ferguson sa Malate, sa Dusit Hotel at sa cargo terminal sa NAIA.
Limang magkakasunod na pambobomba ang naganap ng araw na ikinamatay ng 17 tao at ikinasugat ng 100. Pinakamarami ang namatay sa LRT bombing.
Ang grupong kaanib sa Jemaah Islamiyah ang nasa likod ng pambobomba. Nahuli at nakakulong na ang mga may kagagawan sa madugong pambobomba subalit hindi pa rin ganap na natitikman ang hustisya. Hanggang ngayon, sariwa pa ang sugat ng nangyaring pambobomba.
Halos may pagkakatulad ang nangyaring pambobomba sa Paris, France noong Nobyembre 18, 2015 ng teroristang grupong Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) kung saan 130 ang namatay.
Supporters din ng ISIS ang kabataang mag-asawa na napatay ng mga pulis sa San Bernardino, California noong Disyembre 5, 2015. Walang patumanggang namaril sa isang party sa San Bernardino ang mag-asawang Syed Rizwan Farook at asawang Tassfeen Malik na ikinamatay ng 14 katao at ikinasugat ng 21.
Naghihintay lamang ng pagkakataon ang mga terorista at saka sasalakay. Maging alerto ang lahat. Maging mapagmasid sa mga bagay na iniiwan sa mga pampasaherong bus, mall, simbahan, paaralan at iba pang matataong lugar. Ipagbigay alam agad sa mga awtoridad. Magkaroon ng aral sa Rizal Day bombings.