Pasasalamat ng taumbayan sa libreng dialysis
NOONG Disyembre 8 ay isang taon na ang Manila Dialysis Center sa Gat Andres Bonifacio Hospital sa Tondo. Isang taon na itong nagbibigay ng libreng dialysis sa mga mahihirap na pasyente sa Maynila.
Para kay Manuel Dapadap, daan-daang pasyente ang nagpapasalamat kay Mayor Joseph “Erap” Estrada dahil sa kanyang programang libreng dialysis para sa mga pasyenteng may sakit sa kidney. Personal itong isinulong ni Mayor Erap at sinimulan noong siya ay Presidente ng bansa. Dahil sa programang ito, nadudugtu-ngan ang buhay nang maraming mahihirap na pasyente na hindi kayang tustusan ang kanilang pagpapagamot tatlong beses sa isang linggo.
Ayon kay Dapadap na tumatayong tagapagsalita ng Manila Dialysis Center Patients Association at nagtatrabaho rin bilang maintenance man sa hospital, malaki ang tulong ng dialysis center hindi lamang sa gastusin kundi pati na rin sa kapayapaan ng kanilang kalooban na hindi na sila problemado kung saang opisina kakatok at hihingi ng tulong sa bawat sesyon ng kanilang pagpapagamot, at hindi pa sigurado kung makakapagpagamot nga sila o hindi.
Aniya, suwerte na kung makakuha siya noon ng P2,000 mula sa iba’t ibang opisina ng pamahalaan. Pagkatapos nilang magamit ito ay problemado na naman sila kung saan maghahagilap ng taong tutulong sa kanila upang masundan ang pagpapagamot.
Sa ngayon ay pupunta na lamang sila ng kanyang asawa na si Lolita (na ilan na taon na ring nagpapagamot sa kanyang sakit sa bato) sa Manila Dialysis Center, 3 beses kada linggo at wala na silang iintindihan pa. Libre ang paggamit ng machine, libre ang mga gamit at ang mga gamot.
Sa pagkuwenta ni Mang Manny, ang bayad sa paggamit ng dialysis machine sa pribadong hospital at higit P2,000. May dagdag pa itong P2,000 para sa gamot at mga gamit na kailangan gaya ng dialyzer. Kaya naman upang makapagpa-dialysis ay kailangan ng P4,000 kada sesyon. Ang bawat pasyente ay kinakailangang magpa-dialysis ng 3 beses kada linggo, kaya kailangan niya ng P12,000 kada linggo o P48,000 kada buwan.
Ibig sabihin, lumalabas na kailangan ng isang kidney patient ng higit sa kalahating milyong piso bawat taon upang makapagpagamot! Napakamahal nito para sa marami nating kababayan. Kaya laking pasasalamat ng mga pasyente ng Maynila na ang lahat ng serbisyong ito ay libre at walang bayad ibinibigay ng punong lungsod sa kanila.
Nais nating papurihan ang mga opisyal ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center sa pangunguna ni Dra. Ma. Luisa Aquino, Hospital Director, at Ms. Luz Garay, Chief Administrative Officer ng MDC, sa maayos na pagpapatakbo ng programang ito sa Maynila.
- Latest