SA ALAMAT, nang malilipol na ng mga sundalong Kastila si sugatang Maranao Datu Akadir Akobar sa kuta ng Marami, dumating ang mga anghel at itinaas siya sa langit. Nakasuot umano siya ng kamisa, pantalon, at turban -- lahat puti -- nangangahulugang dumaan siya sa ritwal na paglilinis ng Muslim. Ito umano ang dahilan kaya hindi natagpuan ng mga kaaway ang kanyang bangkay.
Lingid sa kaalaman nang maraming Kristiyano, merong anghel sa relihiyong Islam. Gan’un din sa Judaism. Iisa ang sinasabi ng tatlong relihiyon tungkol sa kanila: Na mga banal na nilalang sila, upang tumupad sa utos ng Diyos (Allah, Yahweh). Ito’y dahil nakabase ang tatlong relihiyon sa mga pangaral kay Abraham.
Ayon sa mga imam, si Jibrail ang anghel na bumulong kay Mohammad ng Koran sa yungib. Anang Koran, si Jibrail din ang anghel na nagsabi kay Maryam (Maria) na magsisilang siya ng Propeta (Anak ng Diyos), Marahil sa puntong ito nahulaan na ninyo na si Jibrail din ang arkangel Gabriel ng Bibliya at Torah.
Si Israfil sa Koran ang anghel na magtutrumpeta ng hudyat ng Katapusan ng Mundo, Siya rin si Uriel ng Hudeo-Kristiyano, anghel ng Hustisya na tutukoy sa mga makasalanan, lalo na mga palalo. Si Mikhail naman ng Koran ang Michael ng Totah at Bibliya, anghel na nagpapasigla ng katawan at kaluluwa.
Sa Kristiyanismo merong siyam na antas ng mga anghel: Seraphim na walang humpay sa papuri sa Diyos, Cherubim na tagapagtanggol Niya, Throne na puro mapagkumbaba, Dominion na mga pinuno, Virtue, Power, Archangel, Principality, at mga Angel. May mga baitang din ang mga anghel ng Judaism, at 14 ang sa Muslim.
Isa lang ang mga anghel ang maraming pagkakapareho ng tatlong “Abrahamic religions.” Pinag-iisa tayo, hindi pinaghahati-hati ng mga pagkakatulad na ito.