Dati-rati ang Pasko’y masaya sa akin
dahil si Mahal ay aking kapiling;
pero ngayong siya ay nagmaliw
ang puso ko’t diwa’y naninimdim!
Noong nagdaang taon kami ay masaya
sa maraming lakad kami’y magkasama;
kung madaling araw kami’y nagsisimba
magkasama kaming dasal ay iisa!
Habang nasa loob ng Inang Simbahan
tapat na damdamin di nalilimutan;
upang ang biyaya ay laging makamtam
ng buong pamilya at ng sambayanan!
Dinarasal namin -- payapang daigdig
maghari sa tao wagas na pag-ibig;
ang buong pamilya laging magkalapit
walang mag-uukol ng taksil sa isip!
Sa mga empleo’t lahat nang gawain
magsikap ng tapat wagas na damdamin;
para ang asenso maagang maangkin
at hindi mabigo -- pangarap marating!
Pero di masaya ang Pasko ko ngayon
ang Mahal kong Mutya umalis kahapon;
Siya ay kinuha ng Mahal na Poon
at di na babalik sa habang panahon!
Sa kanyang paglayo ako’y nalulumbay
pagka’t ang puso ko’y dala n’ya sa hukay;
kung ako’y kukunin ng Poong Maykapal
magsasama kami sa kabilang buhay!
Salamat at sa Diyos siya ay sumama
bagamat malungkot ako ri’y masaya;
darating ang araw kami’y magkikita
upang pag-isahin aming kaluluwa!