TUWING magpa-Pasko dumadalo kami ni misis sa Misa ng paggunita sa pinsan niyang yumao nu’ng 2004 sa edad-16. Malagim ang pagkamatay ng bata. Nagliyab ang Christmas lights sa tree sa bahay; nakulong siya sa silid; makalipas ang mahabang oras natagpuan ang di na makilalang katawan. Laking hinagpis ng magulang niya.
Magpa-Pasko rin nang mamatay si Lola sa bundol ng sasakyan 50 taon na ang lumipas. Hangga ngayon tuwing nagkikita kaming magpi-pinsan, naaalala namin ang pinaka-malungkot na Pasko sa aming buhay. Napapaluha kami sa paggunita kay Lolo na umiiyak sa lungkot gabi-gabi habang hinahalikan ang mga damit ni Lola.
Maraming sakuna na nagaganap habang paparating o kalilipas ng Pasko. Ilan lang dito ang mapanirang mudslides sa Infanta-Real, Quezon nu’ng 2004, at ang Bagyong Sendong (Northern Mindanao), Pablo (Southern Mindanao), Ondoy (Mega Manila), Yolanda (Visayas), at itong kararaang Nona. Meron ding mga sunog, mga masaker sa Ampatuan at Mamasapano, at bakbakan sa Zamboanga City.
Sa lahat ng ‘yon, hindi lang isang miyembro ng pamilya kundi magkakamag-anak ang nasawi, nabalda, nawalan ng tirahan at kabuhayan, at nasiraan ng loob.
Tiyak milyon-milyon tayong Pilipinong dumanas ng ganyang hinagpis ng Pasko. Konti lang sa atin ang dumaan sa psychological trauma therapy. May sayad kaya tayo dahil dito?
Nagsalita si psychiatrist Dr. Honey Carandang sa Misa nitong linggo para sa pinsan ni misis. Dumaan din pala siya sa krisis: namatay ang mga magulang at ate sa sunog sa bahay. Batay sa pag-aaral at sariling karanasan, aniya, mabilis bumabangon ang Pilipino mula sa hinagpis dahil iniluluha niya ito, Sa pag-iyak nailalabas ang dalamhati, hinagpis, galit, agam-agam, at gulat. Natatanggap ang mapait na katotohanan para, ika nga, mag-move on.