EDITORYAL - Husay ng Pinay

IPINAKITA ni Pia Alonzo Wurtzbach sa mundo na kakaiba ang mga Pilipino. Mahusay, maganda, kaakit-akit at matalino. Pinatunayan ni Pia kayang makipagsabayan ang mga Pilipino sa anumang larangan. Nakita ito ng mundo sa katalinuhang ipinamalas ni Pia nang siya ang tanghaling Miss Universe 2015. Tinapos ni Pia ang matinding pagkauhaw ng Pilipinas sa korona ng Miss Universe sa loob ng 42 taon. Si Pia ang ikatlong Miss Universe. Una ay si Gloria Diaz noong 1969 at si Margie Moran noong 1973.

Bagama’t nagkaroon ng kontrobersiya sa pagsasabi ng nanalong Miss Universe -- unang nasabi na Miss Colombia -- hindi iyon naging hadlang para lalong magbunyi ang mga Pilipino nang ihayag na si Pia ang Miss Universe 2015. Hindi makapaniwala si Pia sa pangyayari hanggang ilipat sa kanya ang korona. Humingi naman ng paumanhin ang host na si Steve Harvey.

Nakilala na naman ang mga Pilipino sa mundo sa pamamagitan ni Pia. Naidagdag ang kanyang pangalan sa mga Pilipinong nagbigay na ng karangalan sa bansa. Hindi lamang sa larangan ng beauty competition nangingi-babaw ang mga Pilipino kundi pati sa sports. Nakilala ang bansa dahil kay boxing champion Manny Pacquiao na nagpakita nang husay sa bawat laban.

Nakilala rin ang Pilipinas dahil sa husay ni Lea Salonga na tinanghal sa husay sa pag-awit. Nakilala si Lea sa “Miss Saigon”. Sino rin ang hindi makakakilala sa husay ni Allan Pineda o mas lalong kilala bilang Apl.de.ap.

Pinaningning ni Pia ang Pilipinas sa ipinakita niyang husay sa katatapos na Miss Universe at naniniwala kami na ang kanyang ipinakita ay marami pang magagandang Pinay ang tutulad sa kanya. Nagbigay ng inspirasyon si Pia sa maraming kababayan lalo na ang mga nagha-hangad maging beauty queen. Tiyak na marami pang susunod sa yapak ni Pia.

Mabuhay ka Pia Wurtzbach!

Show comments