Election 2016: Ilang bagong pandaraya

ALAM na kaya ng Comelec ang mga pinaplanong paraan ng pandaraya -- pamimili ng boto -- sa Halalan 2016? Heto ang ilan:

  • Papel na grid. Ito’y newsprint na kasing-size ng balota. Meron itong mga butas na tumutugma sa balloons ng pangalan ng mga kandidato sa balota, na nais ipaboto ng namimiling politiko. Sa presinto sa Araw ng Halalan, ipapatong ng nabiling botante ang grid sa balota, at kukulayan ang mga balloons sa natapatan ng mga butas. Tapos, isosoli niya ito sa politiko para mabayaran. Mas sigurado na tama ito kaysa ipamemorya sa botante ang 40-plus pangalan na nais pakulayan. Legal ito; para lang nagdala ng kodigo o sample ballot sa presinto sa ilalim ng dating sistema ng pagboto.
  • Hakot sa tricycle. Para disimulado sa kalaban at awto­ridad, ang paghakot ng political ward leaders sa mga bayarang botante ay hindi na sa jitney na pansinin, kundi pa-lima-lima o sampu-sampu sa tricycle. Para bang magkakasambahay lang ang dumating sa presinto.
  • Manatili sa bahay. Aalamin ng politiko kung sinu-sino ang mga tagasuporta ng karibal niya. Hihigitan niya ang suhol sa mga ito para manatili lang sa bahay sa Araw ng Halalan, imbis na tumungo sa presinto. Bawas boto agad ito sa kalaban.
  • Hating pera. Para siguradong susunod sa utos ang bayarang botante, kalahati lang ng mga tig-P500 o P1000 papel ang ibibigay sa kanya. Malinis ang putol ng cutter. Kapag tumupad na ito sa usapang gamitin ang papel na grid o manatili sa bahay, saka ibibigay ang kahati ng peso bills, kasama ang transparent adhesive. Matapos ang Halalan 2016, milyon-milyon pirasong perang papel ang mutilated. Bale-wala ito sa mandaraya. Nagde-demonetize kasi ang Bangko Sentral ng kasalukuyang notes hanggang katapusan ng 2016. Tatanggapin aqng naka-tape na pera, batay sa rules, kapag three-fifths pa ng bill ang natititra, kasama ang mga pirma ng Presidente at ng BSP governor.

Show comments