UMAKYAT na sa 34 ang mga namatay sa pananalasa ng Bagyong “Nona” noong nakaraang linggo. Pinakamarami ang namatay sa Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan) na umabot sa 13 tao. May mga namatay din sa Samar at iba pang bayan sa Eastern Visayas kung saan unang tumama ang bagyo. Dalawa ang namatay sa Masbate at dalawa rin sa Catanduanes at Sorsogon.
Matindi ang pananalasa ng Bagyong “Nona” sa Oriental Mindoro kung saan limang beses itong nag-landfall. Maghapong hinagupit ng bagyo ang mga bayan ng Pinamalayan, Gloria, Bongabon, Pola, Socorro, Baco at Calapan. Maraming nawasak na bahay at nagtumbahan ang mga poste ng kuryente. Umano’y aabutin ng limang buwan bago magkaroon ng kuryente sa nasabing probinsiya.
Sabi ng mga taga-Pinamalayan, hindi nila inaasahan na ganoon kalakas ang bagyong “Nona” na tatama sa kanilang lugar. Hindi raw kaya nagkamali ng babala sa lakas ng bagyo ang PAGASA habang tumatawid sa kanilang probinsiya? Bagama’t maraming na-evacuate, marami pa rin ang nanatili sa kani-kanilang mga bahay at doon sila inabutan ng bangis ng bagyo. Ang hiling ng mga taga-Pinamalayan at iba pang bayan sa Or. Mindoro ay ang mabilisang pagtulong sa kanila ng gobyerno para sila makabangon. Lahat daw ng kanilang pinagkukunan ng ikabubuhay ay natangay ng baha.
Marami naman sa mga biktima ni “Nona” sa Samar ay nagrereklamo sa mabagal na ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Para raw hindi nakahanda ang DSWD sa pamamahagi ng mga pagkain. Marami raw sa kanila ang hindi natutulungan ng DSWD. Sana raw ay maging mabilis ang DSWD sa pamamahagi ng pagkain at iba pang pangangailangan.
Nauulit ba ang nangyari nang manalasa ang “Yolanda” noong 2013 sa Leyte na binatikos ang DSWD at iba pang ahensiya dahil sa bagal nang pag-aksiyon. Dahil sa kabagalan ng DSWD, naunahan pa sila ng mga pribadong kompanya at foreign donor sa pag-aabot ng tulong sa mga biktima. Huwag naman sanang ganito ang danasin ng mga biktima ng bagyong “Nona”.