BINAWI ng Albay ang kanilang pahayag na “zero casualty” sa dumaang bagyong Nona. Nadiskubre na kasi ang bangkay ng apat na mangingisdang taga-Tabaco na palutang-lutang sa karagatan ng Albay at Sorsogon. Ligtas naman ang isa sa kanila. Nagpalayag ang limang mangingisda noong Disyembre 6 pero inabot sila ng Nona habang nasa laot pa. Unti-unti na ring nadidiskubre ang lawak ng pinsalang bagyong Nona. Habang humuhupa ang baha sa Nueva Ecija, lumilitaw na rin ang danyos. Ang Nueva Ecija ang kinikilalang “rice bowl” ng bansa, kaya ang danyos sa agrikultura ay malaki. Maraming nasirang palay.
Ayon naman sa NDRRMC, labimpito na ang opisyal na tala ng mga namatay dahil sa Nona, at tatlo pa ang nawawala. Nasa P935 milyon ang halaga ng danyos dahil sa Nona, 90 porsyento nito ay sa agrikultura. Maraming bahay ang nasira, walang kuryente sa malawak na lugar, pati komunikasyon ay apektado. Hindi talaga makikita ang buong epekto ng isang bagyo kaagad. Ilang lalawigan rin kasi ang tinahak ng bagyo, kaya malawak ang danyos. Hindi rin nakatulong na lumakas pa habang nasa loob pa ng bansa.
Ang bagyong Onyok naman ang binabantayan nang husto. Patungo ito sa direksyon ng rehiyon ng Caraga. Inaasahan naman na hindi na lalakas ang bagyo, at malulusaw na rin kapag tumama na sa lupa. Ganun pa man, naghahanda na rin ang mga lugar na tatahakin nito. Maaaring ulan ang dala imbis na hangin, kaya ang pangamba ng pagbaha ay nasa isip ng lahat.
Kinondena naman ng NDRRMC ang pananambang na isinagawa ng NPA sa mga sundalong naghahatid ng mga relief goods para sa mga nasalanta ng Nona sa Samar. Dalawang sundalo ang nasugatan. Akala ko ba nagdeklara ng tigil-putukan ang NPA? Ano pala ito? Dito makikita na walang sinseridad ang mga rebeldeng ito, na kahit sa panahon ng kalamidad ay nanggugulo. Imbis na makatulong, peligro pa. Sa totoo lang, matagal nang problema ang NPA. Wala na ngang naitutulong sa bansa, perwisyo, abala at peligro pa.