IBA’NG dumiskarte ang Commission on Elimination este Election. Tanong ng marami: Bakit binibitin-bitin at pinatatagal ang desisyon sa disqualification kay independent presidential candidate Grace Poe? Ito ba’y para hindi mahalata ang kanilang pagsuporta sa katunggaling kandidato? Hindi tayo nagpaparatang kundi nagtatanong lang. Puwede namang i-consolidate ang lahat ng reklamo laban kay Poe na pare-parehong kumukwestyon sa kanyang nasyonalidad pero ayaw itong gawin.
Siguro gusto nilang ipakita sa taumbayan na pinag-isipang mabuti ang kanilang desisyon na ang patutunguhan ay diskuwalipikasyon pa rin. Ang tanong ng barbero kong si Mang Gustin: Kung mahina si Poe sa presidential surveys, magsusulputan kaya ang mga kaso na kumukuwestyon sa kanyang nasyonalidad? Nahaharap din sa disqualification ang isa pang malakas na kandidato sa katauhan ni Davao City Mayor Digong Duterte na isa ring presidential contender na ang kinukuwestyon ay ang legalidad ng kanyang pag-sibstitute kay Martin Diño.
Sa umpisa ay napakabilis ng dalawang dibisyon ng COMELEC sa pagpapasya na ibasura ang certificate of candidacy ni Poe. Pero ngayon, ito’y mistulang pagong sa bagal. Sana nga’y bilisan para maka-apela si Poe sa Korte Suprema at makakuha ng final decision bago ang eleksyon. O baka yun ang ayaw nilang mangyari?
Dahil diyan ay hindi maiiwasan ang hinala ng marami na may mga nagmamanipula para matanggal sa karera si Grace dahil isang malakas na banta sa kandidato ng administrasyon? Muli, nagtatanong lang po at hindi tayo nag-aakusa. Sabi ni Atty. Lorna P. Kapunan na senatorial bet sa ticket ni Poe, ala-Ramon Mitra, ang ginagawang paggiba sa kredibilidad ng senadora.
Hindi lang nating maubos-maisip kung bakit gigil na gigil sila kay Poe samantalang kung talagang kumpiyansa sila sa kanilang mga kandidato, o sa kanila mismong kandidatura, ay hindi na nila kailangan pang gamitin, abusuhin, baluktutin at balasubasin ang ligal na proseso para lang alisin si Poe sa balota.
At hindi na rin siguro kataka-taka na kung kumatig ang kapalaran kay Poe at hindi ito maligwak sa halalan, ay gagawa naman ng ibang paraan para lang hindi maluklok si Poe sa puwesto.