SANAY ang bansa sa bagyo. Kaya ngayong taon kung saan nakararanas ng matinding El Niño, naging madalang ang bagyo. Tagtuyot nga ang pinagdadaanan nang maraming lugar sa Pilipinas. Ayon sa mga eksperto, mararanasan ang epekto ng El Niño hanggang Marso o Abril sa susunod na taon. Nangamba na magkukulang ang tubig sa mga dam, at magpapatuloy ang kalbaryo ng mga nagtatanim. Pero pinaalala ni Inang Kalikasan na siya pa rin ang masusunod.
Hinagupit ng bagyong Nona ang Sorsogon, Samar, Burias, at Mindoro. Sa pinakahuling tala, 11 ang namatay dahil sa bagyo. Nagdeklara ng state of calamity ang lalawigan ng Mindoro, ganundin ang mga lalawigan ng Sorsogon at Northern Samar dahil sa malawakang danyos na dulot ng bagyo. Masama ang tama sa Mindoro dahil bahagyang lumakas pa matapos tahakin ang ibang lalawigan sa Visayas. May mga lugar na hanggang leeg ang baha, at napakabagal pang humupa. Ayon sa NDRRMC, nasa P320 milyon na ang nasira sa agrikultura at imprastraktura. Akala naman natin ay wala nang papasok na malakas na bagyo ngayong taon dahil na rin sa malakas na El Niño. Kung kailan naghahanda na ang bansa para sa Pasko at katapusan ng taon.
Hindi rin nakaligtas ang Metro Manila sa epekto ni Nona. Dahil sa patuloy na pag-ulan, ilang lugar ang binaha nang husto. Ang mga karaniwang lugar tulad ng Tatalon sa Quezon City at España sa Maynila ay lubog na lubog. Umapaw naman ang Ambuklao at Binga dam dahil rin sa bagyong Nona, kaya nagpakawala ng tubig. Wala namang peligro ng pagbaha dahil masasalo ng San Roque dam ang pinakawalang tubig. Mabuti naman. Medyo lumamig din ang panahon, na inaasahan sana para maramdaman ang kapaskuhan.
May pumasok din na isa pang bagyo sa Philippine Area of Responsibility. Ang tatahakin nito ay ang Mindanao. Mahina pa, pero dahil nasa karagatan pa ay may posibilidad na lumakas. Sana hindi na, at sana ay ito na ang huling bagyo na papasok sa bansa ngayong taon.