EDITORYAL - Magpakita sana nang magandang halimbawa
NAKALIMUTAN yata nina Mar Roxas at Rodrigo Duterte na mataas na katugkulan ang hina-hangad nila. At kung mataas ang kanilang hina-hangad dapat maging mapagkumbaba at maingat sila sa pagsasalita. Dapat iniisip muna nila ang sasabihin. Nararapat na magpakita sila nang magandang halimbawa para lubos na paniwalaan ng taumbayan.
Pero hindi ito ang nakita sa dalawang presidentiables. Nagbatuhan muna sila nang maaanghang na salita hanggang sa mauwi sa paghahamunan ng sampalan at sa dakong huli ay suntukan. Napanood at narinig ng mamamayan ang paghahamunan ng dalawa. Sinabi pa kung saan magkikita para maidaos ang sampalan at suntukan. Naging headline pa sa mga diyaryo ang kanilang paghahamunan.
Kung napanatili sana nila ang kahinahunan, hindi aabot sa punto ng hamunan ang pangyayari. Kung nakapag-isip-isip sana sila, hindi na pawang pagmumura ang namutawi sa kanilang labi. Hindi na nila nakontrol ang sarili kaya nalantad ang kanilang nakatagong ugali.
Maski si dating President Fidel V. Ramos ay na-shock sa nangyaring hamunan nina Roxas at Duterte. Sabi ni Ramos, dapat umaktong global leaders ang dalawa. Hindi lamang daw sa mga naging presidente ng bansa sila ikukumpara kundi maging sa iba pang pinuno ng bansa. Dapat daw maging role model ang dalawa.
Isa sa mga pagbabatayan ng taumbayan sa pagpili nila nang susunod na presidente ay ang mga ikinikilos ng mga nagnanais sa mataas na puwesto. Malaking kabawasan para sa presidentiables ang makita na wala silang control sa pagsasalita at may paghahamunan pa.
Kapayapaan ang hinahangad ng mamamayan para sa bansang ito subalit kakatwa ang sinasabi ng mga nais mamuno na ipino-promote ang pag-aaway. Ang kailangan ng bansang ito ay matapang na lider para lumaban sa kahirapan at korupsiyon at hindi sa suntukan o sampalan o pakikipagpalitan nang maaanghang na salita.
Kailangang magpakita nang magandang halimbawa ang mga naghahangad maging lider ng bansang ito.
- Latest