Bawal ang OFWs sa 8 bansa
ANG aking panawagan sa mga kababayang gustong magtrabaho sa ibang bansa bilang overseas Filipino worker (OFW).
Bawal magtrabaho ngayon ang sinumang Pilipino sa Afghanistan, Cuba, Haiti, Mali, Mauritania, Nigeria, Somalia at Zimbabwe.
Sang-ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), kaya ipinagbabawal ngayon sa sinumang Pinoy ang magtrabaho sa naturang mga bansa dahil marami silang hindi sinusunod sa kasunduan natin sa kanilang gobyerno. Sa kasalukuyan, mayroong 194 mga bansa ang sumusunod sa probisyon ng Amended Migrant Workers Act.
Sa ilalim ng nasabing batas, ang Department of Labor and Employment at POEA ay maari lamang pumayag ng deployment sa mga bansang certified ng Department of Foreign Affairs na ligtas at kaya ng host country na bigyan ng proteksiyon ang ating mga OFW.
Hinihingi rin na ang Pilipinas at ang bansang pagtatrabahuhan ng ating mga OFW ay may pinirmahang bilateral agreements para tiyakin ang magandang working conditions ng mga OFW.
Ang isa pang ipinaiiral ng DFA at POEA ay ang buwanang suweldo ng ating mga domestic helper. Ang dapat na suweldong kanilang tanggapin ay hindi bababa sa $400 isang buwan (katumbas ng P18,000).
Mahigpit na minu-monitor ng DFA at POEA kung nasusunod ang kontratang $400 sa isang buwan ang dapat na tanggaping sweldo ng isang DH. Marami na kasing kaso sa Middle East na hindi sumusunod ang mga among Arabo ang kanilang pinermahang kontrata. Karaniwan ay binabayaran lamang ang ating mga OFW ng $200 sa isang buwan.
At para hindi kayo mabiktima ng mga illegal recruiter bago kayo mag-apply sa isang ahensiya, alamin muna ninyo sa POEA kung ang nasabing ahensiya ay lehitimo at kung sila ay may job order sa trabahong iniaalok sa inyo. Dahil kung wala, sigurado na sila ay peke.
- Latest