NOONG nakaraang taon, 61 ang tinamaan ng ligaw na bala habang nagdiriwang ng Bagong Taon. Karamihan sa mga biktima ay bata. Noong 2013, isang bata na nagngangalang Stephanie Nicole Ella ng Caloocan City ang namatay makaraang tamaan ng ligaw na bala. Nanonood si Nicole at mga pinsan sa fireworks display ilang metro ang layo sa kanilang bahay nang bigla itong matumba. Akala ng mga pinsan ni Nicole ay pangkaraniwang pagkatumba lamang pero nang tingnan nila ang ulo, may umaagos na dugo. Isinugod sa ospital si Nicole pero makaraan ang ilang araw, namatay din ito. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa nahuhuli ang taong nagpaputok ng baril. Hinala ng mga pulis, tagaroon din sa lugar nina Nicole ang suspect at isa itong pulis.
Noong nakaraang taon, isang lalaking sanggol sa Caoayan, Ilocos Sur ang tinamaan din ng bala at namatay. Ayon sa ina ng bata, nagluluto siya ng kakainin nila sa Bagong Taon, dakong 11:50 p.m. nang may marinig siyang bumagsak sa bubong. Kasunod ay ang biglang pag-iyak ng kanyang anak na noon ay katabi sa higaan ang ama. Dinala sa ospital sa Vigan ang sanggol subalit namatay din ito. Ayon sa pulisya, ang bala ay galing sa kalibre .45. Hinala rin ng pulisya, isang pulis o sundalo ang suspect. Hanggang ngayon, hindi pa rin ito nahuhuli.
Karamihan sa mga tinamaan ng ligaw na bala noong nakaraang taon ay taga-Metro Manila, sinundan ng Calabarzon, Western Visayas at Cordillera.
Noong Martes, inumpisahan na ng Quezon City Police District ang paglalagay ng tape sa mga baril ng kanilang miyembro. Ito ay para maiwasan ang walang habas na pagpapaputok ng mga pulis habang nagdiriwang ng Bagong Taon. Ayon sa QCPD, aalisin lamang ang tape sa bunganga ng baril kung mayroong mahigpit na pangangailangan laban sa mga criminal.
Maganda ang hakbang ng QCPD para maiwasan ang indiscriminate firing ng kanilang mga miyembro. Gayahin din sana ito ng iba pang departamento. Habang maaga pa, dapat mabigyan sila ng babala. Bantayan ng mamamayan kung mayroon silang kapitbahay na pulis o sundalo at ipagbigay-alam sa mga awtoridad. Isuplong ang mga “utak-pulbura”.