Napuno na si Erap

NAPUNO na si Manila Mayor Erap Estrada sa walang humpay na patayan sa Tondo, Sampaloc at Baseco, Ermita na ang ugat ay illegal drugs kaya idineklara ang all out war laban dito. Sa  report ng National Capital Region Police Office, 92% ng mga barangay sa Metro Manila ang nasa impluwensiya ng droga.  Ngunit dito sa Maynila, nangingibabaw ang patayan dahil sa onsehan sa droga. Pilit itong tinatago ng mga tauhan ni Manila Police District director C/Supt. Rolando Nana sa madla.

Hindi bababa sa 70% unsolved crime meron sa Maynila ngayon. Paano’y puro koleksyon lamang sa mga putahan, illegal gambling at sidewalk vendors ang tinututukan ng mga alipores ni Nana. Kahit itanong pa ninyo yan kay Shornack mga suki! Ang masakit nito nasangkot din ang ilang tiwaling pulis sa illegal activies ng mga drug lord at drug pushing sa Maynila. Nitong nagdaang buwan lamang may apat na pulis ng Raja Bago Police Station (PS-1) ang nagsauli ng pera sa harap mismo ni C/Insp. Arsenio Riparip ng General Assignment Section. Kasi nga nabuking ni Nana ang pambabaraso at pambabangketa ng apat na pulis ni Supt. Redentor Ulsano sa isang drug pusher sa Tondo nang sumingaw ito sa media. Nabahag ang buntot ng apat na pulis ni Ulsano nang malamang pinadidisarmahan sila ni Nana kung hindi ibabalik ang kuwarta o datung ng drug pusher ng sumipot ito sa opisina ni Riparip.  Hehehe!

Hayan Mayor Erap isang “tip” ko sa’yo yan, ipatawag mo si Riparip nang makilala mo kung sinu-sino ang apat na pulis na tinutukoy ko, kasi nga pilit na inilihim ito sa mga hao shiao ng MPDPC dahil hindi rin kinasuhan ang mga pulis matapos na maisauli ang datung. Kaya ang hamon nitong aking mga kausap kay Erap, unahin munang kastiguhin ang apat na pulis ni Ulsano dahil maliwanag pa sa sikat ng araw na ang pinagkakitaan sa ngayon ng mga pulis ay pamumugo sa drug pushers. Ipatapon sa Mindanao ang apat na pulis nang maniwala ang mga Manileños na wala kang kinikilingan sa mga tauhan ni Nana.

Samantala kung all out war against drugs nga si Erap dapat din sigurong isabay na niya ang paglipol sa mga video karera/ fruit games machines. Ang VK ay katambal ng droga sa mga operasyon nito. Tinatangkilik ng mga adik. Ang masakit, ma­ging ang mga kabataan ay nalululong na rin sa VK at pagsinghot ng shabu kaya nakagagawa na ng krimen. Hihintayin pa ba ng Manileños ang 2016 eleksyon lipulin ang droga? Abangan!

Show comments