Nagpapadala sila sa ISIS propaganda

KAPAG manalo si Donald Trump sa US presidential elections, tayong mga Pilipino naman ang mangungutya sa kanila, “Matuto naman kayo pumili ng matinong pinuno!” Kung ano ang ikinapal ng pitaka at laki ng bunganga ng bilyonaryo, siya namang kitid ng isip niya. Matapos ang teroristang pagbomba sa Paris at pamamaril sa California, isinigaw niya na ipagbawal lahat ng imigranteng Muslim sa America. Kinilabutan ang katunggali niya sa Republican nomination. “Nagmistulang ISIS (Islamic State) Man of the Year si Trump,” ani Lindsey Graham. Tinuya nito ang campaign slogan ni Trump na “make America great again.” Mangyayari lang ‘yon, ani Graham, kung papayuhan si Trump na, “Go to hell.”

Kinilabutan din ang mga Australians sa dati nilang prime minister Tony Abbott. Nanawagan ito kamakailan na sugpuin ng Kanluran ang Islam. Sinaway siya ni Malcolm Turnbull, na tumalo sa kanya bilang hepe ng Liberals kaya pumalit na PM. Ani Turnbull tungkol sa hate rhetoris ni Abbott: “Ang isang dapat natin pag-ingatang huwag gawin, at tiyak ako na sangayon dito si Tony,  ay magpadala sa laro ng ating mga kaaway, at sisihin lahat nang Muslim sa sala ng iilan.”

Nagpaparami ng kasapi ang Daesh Islamist extremists sa propaganda na inaaway silang lahat ng taga-ibang relihiyon. Ganundin ang lumang linya ng Al-Qaeda sa Middle East, Ta­liban sa Afghanistan, at Boko Haram sa Nigeria. Ibilang din ang Abu Sayyaf at Jemaah Islamiyah sa Basilan-Sulu-Tawi-Tawi, Indonesia, at Malaysia.

Kaya sa paglalahat sa mga Muslim, na asal nina Trump, Abbott. at kapwa makikitid-isip, nagiging propagandista na sila ng jihadists.

Sa kabilang dako, meron din makikitid-isip na lider Muslim, tulad ni Malaysian PM Najib Razak. Tinatawag nitong “tero­rista” si Jacel Kiram, senatorial candidate na anak ng kayayaong Sulu Sultan Jamalul Kiram III, na nagmamay-ari ng Sabah. Nagpiprisinta si Najib na maging sentro ang Malaysia ng cyber-war laban sa ISIS -- pero utak-ISIS din siya.

Show comments