HINDI na biro ang trapik ngayon sa Metro Manila. Oras na ang binibilang bago makarating sa mga patutunguhan. May mga nakakatulog na nga sa mga sasakyan, at kapag nagising ay hindi pa rin gumagalaw ang trapik. May nanganganak na rin sa sasakyan dahil hindi na umabot sa ospital. Panahon na rin kasi ng Pasko kaya maraming nasa Maynila para mamili ng mga regalo. Marami akong kilala na umaalis nang maaga para lang makarating sa tamang oras sa kanilang destinasyon, at pinalilipas na lang ang trapik bago umuwi. Kaya lang, pagod sila sa haba ng kanilang araw.
Marami na talagang sasakyan sa kalsada. Hindi rin nakakatulong kung madalas nagkakaroon ng aberya ang MRT. May nakausap akong may-ari ng isang gusali sa Ortigas. Noong maayos ang MRT, puno ang kanilang parking dahil iniiwan na lang ang mga sasakyan at sumasakay na lang ng MRT ang mga patungong Makati. Ngayon, maluwag ang kanilang paradahan dahil ginagamit na lang ang sasakyan at hindi na maasahan ang MRT.
Kung may dapat matukoy o tutukan, ito ay ang pagsasaayos ng MRT. Kumpletong rehabilitasyon ang kailangang gawin para maibalik sa dating maayos na operasyon. Kung maayos ang MRT, sa tingin ko mababawasan ang mga sasakyan sa kalsada.
Mabenta na rin ang motorsiklo ngayon, dahil mas nakakasingit sila sa trapik. Kaya lang, maraming naka-motor na walang galang at respeto hindi lang sa ibang motorista kundi sa batas-trapiko na rin. Sa kasisingit nila, may matatamaan silang salamin o katawan ng sasakyan, at hindi man lang titigil para tingnan ang danyos na nagawa. Alam na hindi naman makakaandar ang sasakyan kaya walang pakialam. Mga hindi sumusunod sa mga ilaw, at sumasalubong kahit saan. At ang motorsiklo ang paboritong sasakyan ng mga kriminal, dahil sa bilis nilang makatakas matapos maganap ang krimen.
Sa totoo lang, nakikita kong nahuhuli lang ang mga motorsiklo sa mga pangunahing kalsada. Pero sa ibang kalsada, wala na silang sinusundang batas. At kahit makita pa ng mga MMDA o PNP, pinababayaan na lang. Dapat mas mahigpit na ang mga otoridad sa mga motorsiklo at marami na ang pasaway, bukod sa mga kriminal.