NAGMUMUKHA na akong sirang plaka sa paulit-ulit na all points bulletin (APB) na ito subalit marami pa rin ang nabibiktima.
Hindi ko alam kung bakit paborito ng mga manggagantso ang pangalan ko na gamitin sa kanilang katarantaduhan.
Hindi ko alam kung saan sila kumukuha ng lakas ng loob at tibay ng sikmura para sabihing staff ko sila, kaanak o ‘di naman kaya magpapakilalang ako.
Tumatawag sa mga tanggapan ng gobyerno at pribado para mag-solicit ng pera para panregalo o donasyon ngayong kapaskuhan.
Paglilinaw, hindi ako tumatawag sa telepono o ‘di na-man kaya kumakatok sa mga tanggapan ng kung sino-sino.
Maliban na lamang kung mga kilalang supporter at kaibigan ng BITAG na naniniwala sa aming prinsipyo. Bilang lang ang kaibigan ng BITAG.
Nakaka-bwisit marinig at malaman na marami na namang nabibiktima ngayong Christmas season. Kung hindi mga matataas na opisyal ng gobyerno, mga pribadong negosyante.
Ang estilo ng mga hunghang, tumatawag at nakikipag-transaksyon sa telepono o ‘di naman kaya ikinukubli ang kanilang kagaguhan sa solicitation letter.
Sa anumang kadahilanan ito namang personaheng nilapitan na kuntodo bigay din agad, uutusang ipadala nalang ang pera sa mga remittance company.
Hindi na bago ang modus na ito. Huwag magpapaniwala!
May nakahandang pabuya ang BST TRI-MEDIA PRODUCTION sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng mga nagpapanggap at pekeng BITAG o pekeng BEN TULFO.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming mag-log on sa bitagtheoriginal.com.