SUNUD-SUNOD ang mga nangyayaring sunog sa Metro Manila. Ngayong Disyembre lamang, mahigit 10 sunog na ang nagaganap sa Metro Manila at marami ang namatay. Noong Biyernes, nasunog ang isang tatlong palapag na residential building sa Bgy. Damayang Lagi, Quezon City at siyam ang namatay. Na-trap sa third floor ang mga biktima.
Halos kasabay ng sunog na iyon, sumiklab din ang sunog sa Malanday. Valenzuela City at isa ang namatay. Nadamay sa sunog ang may 200 kabaha-yan. Noong Miyerkules, isa ang namatay sa sunog sa Sta. Ana, Manila at isa naman ang nasugatan sa isang sunog sa Ermita, Manila. Dalawang linggo na ang nakararaan, nasunog ang mga kabahayan sa kanto ng Quezon Blvd. at Recto malapit sa Manila City Jail. Bagamat walang nasugatan, maraming bahay ang naabo at may 1,000 pamilya ang nawalan ng tirahan. Pawang gawa sa light materials ang mga bahay.
Karaniwang dahilan ng sunog ay ang faulty electrical wiring at mga sumasabog na tangke ng LPG. Mayroon din na dahil sa napabayaang kandila.
Subalit sa mga nangyaring sunog, lumilitaw sa imbestigasyon na isa rin sa dahilan ay ang mga depektibong Christmas lights. Ayon sa mga nakasaksi, bago nagsimula ang sunog sa Quezon City ay umusok ang Christmas lights na nakakabit sa plywoood na dingding ng isang bahay at iyon ang naging dahilan para magliyab. Kumalat ang apoy sa mga katabing bahay na gawa rin sa mahinang klase ng kahoy.
Marami nang pangyayari na ang mga nabibiling mumurahin at walang kalidad na Christmas lights ang pinagmumulan ng mga sunog sa Metro Manila ngayong Christmas season. Ang mga Christmas lights na depektibo ay mabibili sa Divisoria, Carriedo, Cubao at Greenhills shopping center.
Ilang taon na ang nakararaan, nasunog ang bahay ni dating House Speaker Jose de Venecia na ikinamatay ng kanyang anak na babae. Depektibong Christmas lights ang dahilan ng sunog.
Mahigpit ang paalala ng Department of Trade and Industry (DTI) na huwag tangkilikin ang mga Christmas lights at iba pang pailaw na walang ICC markings. Suriing mabuti ang bibilhing Christmas lights at baka ito ang maging dahilan nang malagim na sunog.