“May batik ang lupa”

WALANG BAGYO, WALANG LINDOL bigla na lang gumuho ang bahay na tinitirhan mo.

“Malaking halaga ang nautang namin para lang magkabahay kami. Natyempuhan naman na run kami sa manloloko bumagsak,” ayon kay Perlita.

Disyembre 2012 nang makilala ni Perlita Soriano ang dalawang babae na nagpunta sa kanyang pinagtatrabahuan na eskwelahan para alukin ang isang kakilala ng bahay at lupa.

“Rosola Liban at Mely Zulueta ang nagbebenta nun. Bahay at lupa raw sa Pias, Pangasinan. Tumanggi ito at nabanggit na ako ang naghahanap ng bahay kaya sa ‘kin sila nagpunta,” wika ni Perlita.

Halagang Php900,000 daw ang presyo ng bahay at lupa na may lawak na 200sqm  sa Pias Mapandan, Pangasinan. Pinipilit siya ng mga ito dahil kailangan daw ng pera ng may-ari ng lupa na si Arsenia Cuison.

“May nagdemanda  raw kay Arsenia at kailangan na niyang bayaran ang nagreklamo dahil kung hindi ipapakulong na siya nito,” salaysay ni Perlita.

Tiningnan niya ang bahay at nakipagkasundo siyang bibilhin na nila ito. Dun na rin niya nakilala ng personal si Arsenia.

Maayos daw ang dokumento nito at ipinakita pa ang Tax Declaration. Sinubukang tumawad nina Perlita hanggang sa nagkasundo sa Php800,000. Nakiusap sila kung pwedeng maging hulugan ito.

Pumayag ang mga ito. Kailangan nilang magbigay ng Php20,000 bilang ‘earnest money’. May binigay na resibo ang mga ito.

Pinag-usapan nila kung magkano at kelan ang magiging bayaran hanggang sa makompleto ang kabuuang halaga.

“Limang daang libong piso ang paunang bayad at huhulugan na lang ang matitira. Pebrero 4, 2013 namin ibinigay yun sa kanila. Galing pa yun sa loan naming mag-asawa,” pahayag ni Perlita.

Ang testigo sa naging bayaran ay sina Rosola, Mely at may kasama pang Engineer Espiritu. Dito na rin binanggit ni Perlita na gumawa sila ng kasulatan na nabili na nila ang lupa’t bahay.

‘Deed of Conditional Sale’ ang ibinigay sa kanila nung araw ding yun. Si Rosola ang isa sa tumestigo dito.

“Nang may papel na kami at may paunang bayad pwede na raw kaming tumira dun. Kaya’t pagdating ng March 2013 dun na kami umuwi,” wika ni Perlita.

Inakala nina Perlita na maayos na ang lahat at ang kanilang kulang na lamang sa bayarin ang problema. Pagdating ng Abril 2013 nadis­kubre nilang nakasanla pala sa bangko ang lupa at may ‘adverse claim’.

Pinatawag nila si Arsenia at Rosola sa barangay.

“Wala raw problema yung bangko dahil nire-renew nila yun.  Tungkol naman sa adverse claim inaayos na raw at may settlement na sila sa korte,” sabi ni Perlita.

Bilang patunay na malinis na ang mga papel nagbigay ng ‘Deed of Sale’ sina Arsenia. Sina Rosola at Mely ang tumayong testigo dito.

Tulad ng napagkasunduan naghulog ng bayad sina Perlita.

Nobyembre 6, 2013 bigla na lang dumating si Kapitan Jake Reyes at may kasamang sheriff. Nanay at tatay lang ni Perlita ang nandoon. May dalang order daw ng korte ang Sheriff.

“Yung Tax Declaration nakapangalan na kay Kapitan Reyes. Sinagot daw sila ng nanay ko na magpunta na lang sila kay Rosola. Ito na kasi ang umaako ng kasalanan ni Arsenia,” salaysay ni Perlita.

Mula nun ilang ulit daw nagpupunta ang Sheriff sa kanilang bahay at may kasama pang mga pulis. Pinaaalis na silang mag-anak.

Hinanap nila ang mga nagbenta sa kanila ngunit hindi na mahagilap si Arsenia habang si Rosola naman ay wala raw alam tungkol sa problema.

Napagpasyahan na ni Perlita na aksyonan ang ginawang panloloko sa kanila. Nagsampa siya ng kasong ‘Estafa’ laban kina Arsenia at Rosola.

Sa kabila ng pagpapadala ng ‘subpoena’ sa dalawa ay hindi naman sila nagbigay ng kanilang kontra-salaysay. Tanging ang abogado lamang nila ang nagpakita upang mag-file ng ‘Motion for Additional Time to File Counter Affidavit’ noong Hunyo 1, 2015.

Noong Hunyo 29, 2015 ay naglabas ng Resolusyon si Deputy City Prosecutor Elmer M. Surot. Naging ‘uncontroverted’ ang kaso dahil sa hindi pagsagot ng mga akusado. Sa kabila ng pagbabayad ng nagrereklamo ay hindi inayos ng mga akusado ang mga dokumento kahit ilang ulit na itong pinapaalis sa lugar. Nirerekomendang usigin sa kasong Estafa under Art. 315 2(a) si Arsenia at Rosola.

Agosto 12, 2015 nang maglabas ng ‘warrant of arrest’ laban sa dalawa ang Regional Trial Court Branch 41 ng Dagupan City. Halagang Php40,000 ang piyansa bawat isa para sa pansamantala nilang paglaya. Pirmado ito ni Presiding Judge Emma M. Torio.

“Ang problema po namin ngayon nasa Canada na raw itong si Rosola. Kailangan naming mag-request ng Hold Departure Order at ilagay sa watch list,” pahayag ni Perlita.

Baon na raw sila sa utang at kahit pamasahe ay hindi na sila makapaglabas.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, pagdating sa lupa kaila­ngan maging maingat tayo. Alamin muna kung may problema ba ito sa pamamagitan ng pagbeberipika sa tamang sangay ng gobierno, para hindi nasasayang ang inyong pinaghirapan.

Ang tungkol naman sa Hold Departure Order, kapag nagbaba na ng order ang Korte dapat ibinibigay na ito sa Bureau of Immigration and Deportation (BI).

Mahaba ang proseso ng pagpapabalik dito kay Rosola. Tiyagaan lang talaga. Isang hakbang ay bigyan ang ating Office of Consular Affairs (ASEC Frank Cimafranca) para maumpisahan ang paghiling na ikansela ang kanyang pasaporte at ipaalam sa ating embahada sa Canada na kanselado na ang kanyang pasaporte at siya ngayon ay isang ‘undocumented alien’ na dapat-i-deport sa Pinas.

Inuulit ko na ang lahat ng hirap na ito ay maiiwasan sana kung nag-ingat tayo bago nagpakawala ng pera.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Hotline: 09198972854

Tel. No.: 7103618

 

Show comments