“MATATALO ang Islamic State”. Ito ang pahayag ni US Pres. Barack Obama sa kanyang talumpati sa telebisyon noong Linggo. Lumabas si Obama sa telebisyon para mabigyan ng katahimikan ang Amerika matapos ang isa na namang pamamaril kung saan 14 ang napatay at marami pang sugatan. Sa patuloy na imbestigasyon, tila may kinalaman, na naman ang ISIS. Ang mag-asawa na namaril sa San Bernardino, California ay hinihinalang naimpluwensiya ng ISIS, bagay na kinumpirma rin ng terorista at kriminal na grupo.
Malinaw na pinaghandaan nila ang krimen. Nag-ipon ng libong bala para sa apat na baril. May ginawang mga “pipe bomb” para pasabugin ang mga pipiliing lugar. May apat na natagpuang ganitong bomba sa lugar kung saan namaril, pero hindi sumabog. Unti-unting lumalantad na unang naimpluwensiyahan ng ISIS ang babae, na siya namang nag-impluwensiya sa kanyang asawa. Tila mga babae naman ngayon ang mas militante.
Hindi lang Amerika ang nababahala sa sunud-sunod na terorismo. Naganap ang pag-atake ng mga tagasunod ng ISIS sa Paris. Higit 100 ang napatay, daan-daan din ang sugatan. Naghigpit nang husto ang buong France dahil dito. Ngayon, sa Amerika naman. Naghihigpit muli ang seguridad sa maraming bansa, pati sa atin, sa banta ng terorismo. Bagama’t wala pa raw indikasyon na nasa bansa na ang ISIS, hindi natin tunay na masisigurado.
Nagbabago na nga ang opinyon ng Amerika. Nanalo si Obama noong 2008 dahil sa kanyang kontra-digmaan na katayuan sa Iraq at Afghanistan. Tila nagsawa na ang mga Amerikano sa mga balita ng mga namamatay na sundalo nila, kahit tapos na ang digmaan. Pero ngayon, dahil sa sama ng ISIS, mas agresibong aksyon na ang gustong mangyari, na siya namang kinokontra pa rin ni Obama. May mas tamang pamamaraan daw para durugin ang ISIS. Ayaw daw maulit ang nangyari sa Iraq at Afghanistan. Pero kung hindi naman lumalaban ng patas ang ISIS, hindi kaya panahon para durugin na nang husto, habang maraming bansa ang nais na ring mawala ang ISIS sa mundo? May mga ibang grupong terorista na kaalyado na ng ISIS. Hihintayin bang lumaki sila nang husto?