APEKTADO raw ang kabuhayan ng mga taksi drayber sang-ayon sa Stop and Go Coalition, matapos payagan ng DoTC ang operasyon ng transportation network vehicle service na Uber at Grab.
Naglabas naman ng 20 araw na temporary restraining order ang QC Regional Trial Court Branch 217 laban sa operasyon ng Uber at Grab.
Sinabi rin ng nagrereklamong taxi operators at drivers na nabawasan ng kalahati ang naiuuwing kita ng mga taksi drayber simula ng payagang bumiyahe ang app-based transport system.
Ang lakas ng loob nilang magreklamo samantalang sila ang may kasalanan kung bakit pinayagan ng LTFRB ang operasyon ng network vehicle services dahil sa kanilang maraming atraso sa riding public.
Napakaraming taksi drayber ngayon ang pinipili ang pasahero at ayaw maghatid sa malayo dahil matrapik daw.
Halimbawang ikaw ay nasa QC at magtataksi ka hanggang sa inyong tahanan sa Las Piñas, tiyak na tatanggihan ka ng iresponsableng drayber dahil wala na raw siyang makukuhang pasahero pagbalik.
Bukod dito maraming taksi drayber ngayon ang kinukontrata ang pasahero, Ito ay maliwanag na pagsasamantala ng walang pusong tsuper.
Pero ang pinakamasamang ginagawa ng ibang taksi drayber ay kasapakat nila ang mga holdaper o kung minsan ay mismong sila ang holdaper.
Hindi nga lahat ng taksi drayber ay masasama pero nakababahala na ang patuloy na pagdami ng masasama sa kanila kaya hindi lamang napiperwisyo ang maraming pasahero kundi nanganganib din ang kanilang buhay.
Kaya kung magkaroon man ng kakumpetensiya ang mga nagrereklamong taxi driver ay kasalanan din nila.
Sila ay naging mapagmalaki, abusado, mapagsamantala at nakipag-best friends forever pa sa mga kriminal.
Kaya dapat ipagpatuloy ang operasyon ng Uber at Grab dahil ito ay malaking tulong sa mga pasaherong biktima ng mga walang pusong taksi drayber.
Dapat ang laging pairalin sa ating lipunan ay ang kabutihan ng nakararami.