PAMBIHIRA si Davao City Mayor Rodrigo Duterte. Lahat ng mga pangit na alegasyon sa kanya ay walang pangingiming inaamin. Habang lulan ng aking sasakyan, nakikinig ako sa panayam sa kanya ng himpilang DZMM at inamin niya nang buong tapang na marami na siyang pinatay na kriminal.
Sabagay, hindi ito ang unang pagkakataong umamin siya na inililigpit niya ang mga talamak na kriminal lalu na yung mga sangkot sa droga, rape, kidnapping at iba pang karumaldumal na krimen. Pero ang salaysay niya sa naturang interview ay detalyado at aagaw ng pansin sa isang tagapakinig.
Aniya, may tatlong kidnapper na personal niyang binaril at napatay habang kasama siya sa mga nagdeliver ng ransom para sa isang babaeng kinidnap na at nirape pa. Pero may lusot si Duterte. Abogado kasi at alam ang likaw ng batas.
Aniya, hindi siya puwedeng kasuhan sa ginawa niya dahil isa siyang person in authority at nang lumapit sa kanya ang mga kidnapper ay sinabihan niyang “taas ang kamay” pero nang akmang lalaban ay inupakan na niya. Sino nga naman ang kukuwestyon sa kanyang ginawa?
Nailigtas ang babae at isinauli ni Duterte ang perang pambayad sana ng ransom.
Aniya, kahit pumapang-apat ang kanyang siyudad sa mga lugar na maraming kaso ng pagpatay, natutuwa siya porke ang mga naililigpit ay puro mga pusakal na kriminal.
Hindi lang abogado si Duterte kundi naging piskal pa at nakilala sa kanyang lupit lalu na sa mga pusakal na kriminal.
Wala itong pinag-iba sa isang nakaposas na suspek na nang-agaw ng baril sa pulis kaya pinatay.
Naunang kinondena ni dating Justice Secretary Leila de Lima ang taktikang ito ni Duterte na aniya’y paglabag sa human rights. Hindi rin ako pabor sa sistemang basta na lamang papatayin ang kriminal nang walang umiiral na proseso ng batas.
Pero ang tanong, iyan din ba ang kaisipan ng nakararaming Pilipino? Tiyak kong hindi, dahil sa kabila ng pagmumura ni Duterte kay Pope Francis kamakailan, mataas pa rin at tila lalung tumataas ang kanyang rating sa survey na ayon sa SWS ay umabot na ng 38 percent. Bakit?
Hay...kapabayaan din ito ng pamahalaan. Nagkulang sa aksyon laban sa kriminalidad. Pati ang bilangguan ay naging paraiso para sa mga nakakulong na lumabag sa batas. Kailanman ay hindi ko tatanggapin ang marahas na pormula ni Duterte. Pero kung siya ang magiging Pangulo, he is who we deserve. Nagbubunyi ang taumbayan lalu pa’t ipinapangako ni Duterte na tatapusin ng kanyang rehimen ang katiwalian at krimen sa lipunan.