‘Walang kampihan!’

Hotlines: 09198972854

Tel. Nos.: 7103618

DUMARAMI ANG KASO sa korte dahil hindi agad naaksiyunan kapag maliit pa lamang ang problema.

“Nasa posisyon sila at tungkulin nilang pakinggan ang hinaing ng kanilang mga residente pero para silang mga bingi at lumpo na walang pakialam,” wika ni Lei.

Pinapalayas sa bahay ng asawa at hinahamak ang kanyang pagkatao. Ito ang dahilan kung bakit napasugod si Norelei “Lei” Fodulla sa Barangay 65 Pasay City noong Hunyo 2015.

Ang tiyahin ng kanyang mister na si Mellie Fradejas ang gusto niyang ireklamo. Kasama pa ni Lei ang kanyang mga magulang nang magpa-blotter sa barangay.

“Hindi kami inasikaso dun ni Kagawad Geralyn Briones. Ayaw nilang isulat ang aming reklamo,” pahayag ni Lei.

Hindi lang umano tumupad sa tungkulin ang nasabing kagawad kundi dinuro pa siya at pinagsalitaan ng hindi magaganda salaysay ni Lei. Karga niya pa nun ang kanyang sanggol.

Nang mapansin nilang wala silang mapapala dun, umalis sila at dumiretso sa istasyon ng pulis para ireklamo si Kagawad Briones.

Umaksyon kaagad ang pulis ng Libertad at tinawagan ang Kapitan na si Sofronio Abaco para ito ang kumausap kay Lei tungkol sa kanyang reklamo.

“Ibang kagawad na ang umasiste sa amin. Kung hindi pa kami nagpunta ng pulis hindi maiipatala ang reklamo ko sa tiyahin ng mister ko,” salaysay ni Lei.

Naghintay na lamang si Mellie ng patawag sa barangay para magkaharap sila ni Mellie.

Habang tumatagal nagtataka na si Lei kung bakit nagdaan na ang anim na buwan hindi pa rin sila pinapagharap ni Mellie.

“Nag-imbestiga ako. Nadiskubre kong ito palang si Vilma Fradejas na kapatid ni Mellie ay lupon umano sa barangay,” wika ni Lei.

Hindi lang daw ito ang naging problema ni Lei sa kanilang barangay kundi maging si Kagawad Briones ay lagi umanong nagpapatawag ng tanod para siya’y ipabarangay kahit wala siyang ginagawa laban dito.

Napagpasyahan niyang humingi ulit ng tulong sa pulis.

Ang asawa naman niyang si Leo Angelo ay ayaw ibigay ang kanilang anak kaya’t pinagharap sila noong Oktubre 4, 2015.

“Pinapalayas nila ako nang hindi kasama ang anak ko. Kaharap ko sina Amy na opisyal rin ng barangay, Kagawad Briones at si Vilma Fradejas. Nagsama din ako ng tatlong pulis para umasiste sa ‘kin,” kwento ni Lei.

Sa halip na makinig ang mister sa kanya mas pinaniwalaan pa raw nito ang ibang tao kaya mas lumaki ang gulo.

Maging ang mga taong nandoon na dapat labas sa kanilang problema ay nakikisawsaw pa at dumadagdag sa pagsasabi ng hindi maganda laban sa kanya.

“Sabi ni Kagawad Briones wala raw akong karapatan sa bahay dahil bisita lang ako,” ayon kay Lei.

Ang kasama niyang pulis ang sumagot sa Kagawad. “Paano magiging bisita si Mrs. Fodulla gayung nakapangalan sa asawa niya ang lupa?”

Dun naramdaman ni Lei na mali ang patakaran ng barangay. Dapat ay pinakikinggan nila ang parehong panig at dapat walang kinikilingan. Maging ang kapitan ng barangay ay hindi din umaksyon sa problema.

“Galit na galit silang lahat dahil nabisto ko ang pamemeke nila ng lupa. Inaangkin niya noon ang lupa ng mister ko at kung hindi ko pa inalam ang lahat hindi ko malalaman na sa asawa ko ito nakapangalan,” sabi ni Lei.

Dahil sa pangyayaring ito na-depress daw si Lei. Sinasabihan pa daw siyang nababaliw na.

“Matino ang pag-iisip ko kaya dinemanda ko ang asawa ko. Inabandona niya kami at mas pinili niyang paniwalaan ang kanyang tiyahin,” wika ni Lei.

Hinamak umano mga ito ang kanyang pagkatao. Pati asawa niya hindi siya makuhang pakinggan dahil mas pumapanig ito sa kanyang tiyahin.

Nais lang malaman ni Lei kung anong aksyon ang maaari niyang gawin sa hindi pagtupad ng mga opisyal ng barangay sa kanyang reklamo. Kumikiling umano ito sa panig ng tiyahin ni Leo.

“Kung ang lupa napepeke nila ang husgado hindi nila maloloko. Hindi mababayaran ng ilang milyon ang dignidad ng isang tao,” pahayag ni Lei.

Kung sakali daw na magbigay ng kanilang panig ang mga taong kanyang binanggit dito ay siguraduhin lamang na pawang katotohanan lamang ang kanilang ilalahad.

Kahit anong pilit ng mga ito na ilihis ang tunay na nangyari ay lalabas pa din ang katotohanan.

Dinidinig ngayon ang kasong RA 9262 laban kay Angelo at balak namang maghabla ni Lei laban sa tiyahin nito.

Bukas naman ang aming tanggapan para sa panig ng barangay at ng mga pangalan na nakaladkad sa pitak na ito. Sinusubukan namin silang tawagan ngunit sira yata ang kanilang telepono dahil walang sumasagot.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang mga opisyal ng barangay ay tungkulin nilang pag-ayusin ang mga nagtutunggaling panig.

Ang dapat na ginagawa ninyo ay tingnan kung sino ang nadehado at paliwanagan ang sa palagay ninyo na wala sa ayos.

Kung ang dalawang magkagalit ay ayaw talagang magkasundo wala rin naman kayong magagawa kundi magbigay ng Certificate to File Action (CFA) dahil hindi naman kayo hukom para tanggihan ang isa at bigyan naman ang kabila.

Kapag nagawa na ng barangay ang kanilang tungkulin at hindi pa rin nagkasundo saka na ito maiaakyat sa Prosecutor’s Office. Titimbangin ng taga-usig ang ebidensya ng magkabilang panig.

Ang taga-usig ay pag-iisahin ang mga reklamo nila sa isang ‘charge- counter charge’ at kung sino ang sa palagay niya na dapat kasuhan ay maglalabas siya ng resolusyon tungkol dito.

Batay naman sa sinabi ni Lei na nasusulsulan ang kanyang asawa ng tiyahin nito, ang isang lalaki ay napakahirap na balewalain ang kanyang anak.

Baka naman may mas malalim na dahilan at ganito ang tingin niya sa sitwasyon na ito. Ganyan ka ba kairesponsable Angelo?

Napakadaling magkaroon ng anak pero ang palakihin ito ng maayos ang na tungkulin ng igang resposableng magulang.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Show comments