LANTARAN ang bentahan ng shabu sa area ni Supt. Alex Daniel ng MPD-Station 7, sumbong sa akin. Patunay na bahag ang buntot ni Daniel sa pagsawata sa drug lords/pusher sa kanyang lugar. Para sa kaalaman ni NCRPO chief Dir. Joel Pagdilao at MPD director C/Supt. Rolando Nana, ang Manuguit, Hermosa, Herbosa, Liko, Solis, Batangas at Tayuman sa Tondo, Manila ay sentro ng bentahan ng droga at hindi binibigyang-pansin ni Daniel. Bulag si Daniel sa kalakaran sa tinaguriang “airport o duty free” na dating hawak ni Ric Taga dahil bagong singaw siya sa lugar. Subalit kung may bayag si Daniel, madali lamang niya itong matutumbok dahil kabisado ito ng kanyang mga tauhan, kahit itanong pa niya kay Shornack. At dahil nga sa karamihan sa mga binatilyo ngayon ay gumon sa shabu, madalas ang rambolan at patayan sa kalye. Pati mga traysikel drayber ay barumbado sa pagmamaneho dahil bangag sa shabu.
Namumutiktik din ang video karera at fruit machines nina Manny Manok at Romy Gutierrez at ilang pulis na kakutsaba ng mga hao shiao sa MPD. Ang masakit, apektado na ang pag-aaral ng mga kabataan dahil sa paglalaro ng VK. Kakambal ng VK sa negosyo ay ang shabu. Trip ng mga adik na mag-VK pagkatapos suminghot ng shabu. Hihintayin pa ba ni Daniel na lumawak ang rasyon ng droga at VK bago siya kumilos? Hamon ng aking mga kausap kay Daniel, magsagawa nang “one time, big time” na pagsalakay sa lugar kung may bayag siya. Matutuklasan niya ang baho ng ilang pulis na patong sa mga drug lord.
Nagbunga naman ang kasipagan ni C/Insp. Willy Sy ng Manila Criminal Investigation and Detection Group. Kinilala kasi ng Philippine National Police ang kanyang kasipagan at katapangan sa serbisyo ng malambat ang most wanted persons na nagtatago sa kaharian ni Manila mayor Joseph Estrada. One of the Most Outstanding Association of Police Lateral Entrants (APOLE) si Sy sa awarding ceremony na ginanap sa Camp Crame. ‘Yan talaga ang napapala ng isang opisyal ng pulis na tumutupad sa kanyang tungkulin. Maipagmamalaki ito ng kanyang pamilya. Kung sabagay si Sy lamang ang susi sa pagsarado sa bookies ng karera sa Railroad Street, Port Area, Manila. Kasi ang matagal ng operasyon ng bookies ng karera sa likod ng Philippine National Red Cross Headquarters ay kinukunsinti ng mga tauhan ni C/Insp. Roberto Mupas ng District Special Operation Unit (DSOU) noon pa, ngunit nang salakayin ni Sy naparalisa ito matapos bitbitin sa MPD headquarters ang dalawang rebisador na kinilalang sina Joi Ortega at Cecilia Campo ng Pandacan, Manila.
Congratulations Major Sy, keep up the good work. Sana dumami pa ang lahi mo sa PNP.