HINDI maitatanggi na tunay na mahuhusay ang mga artistang Pilipino. Kahit saan sa mundo, tunay na nangingibabaw ang ating galing sa pagtatanghal, larangan ng musika, sayaw, dulaan, at mga pelikula.
Ilang pelikulang Pinoy na rin ang umani ng papuri sa mga kritiko ng iba’t ibang bansa at tumanggap ng mga parangal at nag-angat ng pagtingin sa bansa sa international community mula noon hanggang ngayon.
Sa katunayan, tila nagiging gawi na rin na ang ilang pelikulang Pinoy ay pinipili munang maipalabas sa dayuhang bansa bilang istratehiya na makakalap ng parangal sa ibayong-dagat na panghatak sa mga lokal na manonood.
Bilang pagsusulong sa paggawa ng mga de-kalibreng pelikula, inihain ni Sen. Jinggoy Ejercito Estrada ang Senate Bill 2313 na magkakaloob ng insentibo sa mga artista, movie producers at filmmakers na kinilala ang husay sa international film competitions.
Nais ni Jinggoy na suportahan ang industriya ng pelikulang Pilipino at hikayatin ang mga nasa industriya na panatilihin at mas iangat pa ang mataas na kalidad ng sine sa bansa.
Sa ilalim ng nasabing panukala ay tatanggap ng grant na P5 milyon ang produksyon ng pelikulang mananalo sa mga international cinema festivals. Samantalang P2 milyon naman ang igagawad sa mga Pinoy na makakapag-uwi ng karangalan para sa bansa dahil sa kanilang mahusay na kakayahang teknikal gaya ng production design at cinematography, gayundin sa pagsusulat ng screenplay at istorya.
Bukod dito, magkakaroon din ang mga pelikula ng full tax exemptions, kabilang ang mga buwis na sinisingil ng mga lokal na pamahalaan, sa pagpapalabas ng pelikula sa bansa. Awtomatiko rin itong makakatanggap ng Grade A rating mula sa Cinema Evaluation Board.
Para naman sa mga artista na kinilala ang galing sa ibang bansa, tatanggap ang mga ito ng P1 milyon at exemption sa pagbabayad ng income tax para sa taon kung kailan niya natanggap ang parangal.