Habla kina Vitangcol dapat no-bail plunder

SANA hindi lang si MRT-3 GM Vitangcol ang sinakdal ng Ombudsman. Dapat pati sina Sec. Abaya, USec. Lotilla­ at LRT head Chaneco, pumirma at nag-extend ng maano­malyang P535 milyon PH Trams maintenance.

Sana hindi lang graft ang habla, kundi non-bailable plunder­. Higit sa P50-milyon threshold ang nakulimbat. Nagsagawa ng kumbinasyon at serye ng mga krimen. At nakinabang ang mga ka-Liberal Party nina nauna at ngayo’y-LP president-Secretaries Mar Roxas at Abaya.

Sangkot din sina U-Secs. Rene Limcaoco at Rafael Antonio Santos (ngayo’y Court of Appeals justice). Nasa bids and awards committee sila na nangasiwa sa secret negotiations ni Vitangcol sa PH Trams. Kasapakat pa sina Asst. Secs. Ildefonso Patdu at Dante Lantin. Collegial ang kilos nila -- nang-udyok at nagpa-udyok na labagin ang Anti­-Graft Law. Lampas ang kontrata sa P350-milyong aprobadong project budget. Imbis na tumupad sa usapan ang PH Trams, nabulok ang MRT-3. “Grossly and manifestly dis­advantageous” lahat sa interes­ ng gobyerno.

Planado ang malisya, anang Ombudsman investigation. Inagaw nila nu’ng 2010 sa MRT Corp., pribadong may-ari ng MRT-3, ang pagpili ng upkeep. Pina-expire nu’ng 2012 ang 12-taong kontrata ng higanteng Sumitomo Corp. Tapos big­lang nagdeklara ng emergency dahil wala na umanong daily maintenance. Nakipag-negosasyon sila sa PH Trams imbis public bidding. Ihinalili ang dadalawang buwan gulang na PH Trams, P625,000 lang ang kapital, at walang alam sa railways.

Napunta ang P535 milyon sa PH Trams. Ka-LP nina Roxas­ at Abaya sina chairman Marlo dela Cruz at director Wilson­ de Vera. Fundraiser-campaigner nila sa Pangasinan ang una; kuman­didato ang ikalawa bilang LP mayor ng Calasiao, bayan­ ni director Arturo Soriano na tiyuhin ni Vitangcol.

Matapos ang PH TRams, ihinalili ni Abaya ang Global Eocom. Authorized representative nito sa DOTC ang ka-LP pa rin na dela Cruz.

 

Show comments