ANG paghabla ng graft kay MRT-3 manager Al Vitangcol ay pagtatakip lamang. Sa pagsolong-puntirya sa kanya, pinawalang-sala ang mga kasapakat niyang nakatataas sa DOTC. Naikukubli tuloy ang mas malaki nilang sala— plunder ng P535 milyon para sa naghaharing Liberal Party.
Malamang makulong si Vitangcol -- mag-isa. Dokumentado ang sala niya. Kinontrata niya sa anim na buwan maintenance, $1.15 milyon (P51 milyon) kada buwan simula Okt. 2012, ang isang kumpanya kung saan incorporator-director ang tiyuhin niyang Arturo Soriano. Palihim ang pagkontrata niya, imbis na public bidding. Dadalawang buwan gulang pa lang noon ang PH Trams, P625,000 lang ang kapital, at walang karanasan sa railways. Anang Ombudsman, dalawa ang paglabag ni Vitangcol sa Anti-Graft Law: Gross inexcusable negligence sa pagpabor sa iisang kontratista, at pagkakaroon ng interes sa kita nito. Hinaharap niya ang 15 taong pagkabilanggo; anim kung aamin siya agad ng sala.
Maari niya maka-selda si tiyuhing Soriano, provincial accountant ng Pangasinan. Malamang mahatulan nang magaan ang apat pang PH Trams incorporators: Chairman Marlo dela Cruz, at directors Wilson de Vera, Manolo Maralit, at Federico Remo. Nagbulaan sila na walang conflict of interest ang PH Trams na kamag-anak ng nangongontratang opisyales. Sa ngayon si Vitangcol pa lang ang nagpiyansa ng P30,000.
Tiyak hindi bibisita sa Bilibid ang mga kasapakat na Transport Sec. Joseph Abaya at U-Sec. Jose Perpetuo Lotilla. Kasama ni Vitangcol ang dalawa sa pagpirma sa kontrata, kaya kasing guilty sila ng gross negligence. Palusot ni Abaya na dalawang araw pa lang siya sa puwesto noon, at ni Lotilla na pinansin nila ang karanasan mas malaking kapital ng ka-joint venture ng PH Trams na CB&T. Pero sa totoo, tatlong beses nilang in-extend nang apat-at-kalahating buwan ang unang kontrata, kaya alam nila ang mga ano-malya. Nakipirma sa extension si LRT administrator Honorito Chaneco. Pero pinalusot sila ng Ombudsman.