Ang Pasko’y pag-ibig

Sasapit na naman ang araw ng Pasko

Magiging masaya ang maraming tao;

Mayaman at dukha sa araw na ito

Dapat magkaisang dumalaw kay Kristo!

 

Si Kristong sa dukhang sabsaban

Na sa mundong ito’y may dakilang aral;

Ang lahat ng tao’y dapat magmahalan

Mayaman at dukha’y iisa ang buhay!

 

Sa lahat ng dako dakilang pag-ibig

Ang dapat maghari sa lahat ng saglit

Sa tahanang marmol at dampang maliit

Pag-ibig sa kapwa ang dapat manaig!

 

Kung walang pag-ibig sa mundong ibabaw

Walang kabuluhan ang dito’y mabuhay;

Dalaga’t binata ay kung nagmamahalan

Dapat ay dakila hanggang sa mamatay!

 

Dukha nang isilang ang Dakilang Hesus

Upang ipakitang may dakilang utos

Na sa mundong ito ang dapat masunod

Matutong magmahal sa buhay na kapos!

 

Hindi kailangang sa buhay na ito

Hindi kailangang magkamal ng ginto;

Kailangan lamang maging makatao

At laging isiping nabuhay si Kristo!

 

Ipinakita niya’y isang halimbawa

Hari ng daigdig isang maralita;

Maralitang tao ay lubhang dakila

Kaysa mayamang ang puso’y ulikba!

Show comments