IBA’T IBA ang hugis at mukha ng Pasko sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Sa Imus, Cavite, mayroong Paskuhan sa Imus na isang month-long festival. Sa Cebu nama’y may Pasko Sa Sugbu. Ginagawa ito mula sa kapitolyo papunta sa Plaza Independencia.
Ang highlight nito’y ang daygon competition, isang paligsahan ng mga nagka-caroling na tumutugtog ng banduria at gitara. Ang tradisyon na ito’y galing sa villancicos ng Espanya.
Sa Surigao ay mayroon naman silang Paskuhan, na isang buwan ding ginagawa. Sa Palo, Leyte, nama’y may Karisyohan han Paso Ha Palo held from December 6 to January 6. Ang Palo, Leyte, kasi ang “religious center ng Eastern Visayas.” Nagiging isang Christmas village ang buong bayan ng Palo kapat Pasko.
Sa Naga City mayroong Kamundagan Festival sa buong buwan din ng Disyembre. May cultural shows, trade fairs, civic parades at pastores. Ipinakikita rin ng festival ang mayamang kultura ng mga oragon na Bikolano.
Mayroon namang Belenismo sa Tarlac, isang kumbinasyon ng Belen, the Nativity scene, at bayanihan. At sa San Fernando, Pampanga, syempre’y may mga higanteng parol measuring up to 15 feet! Gawa sila sa iba ibang materyales tulad ng capiz, kawayan, at papel. At sumasayaw pa ang mga parol sa Giant Lantern Festival na ito!
Noong 1922 nama’y nagsimula ang Lantern Parade sa U.P. Diliman. Then and now, ang mga guro, estudyante at campus residents ay makulay na nagpaparada na may kasama pang mga floats. Noo’y may sayaw tulad ng pandanggo, rinconada, at las panderetas. Ngayon ay may mga bongga ring fireworks at iba pang mga pasabog!
Nawa’y makasama natin ang ating pamilya at mga kaibigan sa Paskong ito. Hagupitin man tayo ng bagyo, lindol, o ng ating mga pesteng politiko, hindi pa rin nila mapipigilan ng ating pusong Pinoy kapag Pasko.
Mga komento: danton.lodestar@gmail.com