HANGGANG ngayon marami pa ring nabibiktima ang mga scammer at swindler.
Naging milyonaryo si Kevin del Mundo Miranda dahil sa panloloko sa mga overseas Filipino worker at mga pulis gamit ang kanyang online scam.
Ang kanyang kompanya ng panloloko, ang EmGoldex na ginawa nyang Global Inter-Gold at nakabase sa Dubai, United Arab Emirates.
Ito ang dahilan kung bakit marami siyang nabiktimang OFWs.
Ano ang gimik ng swindler na ito? Ang sinumang investor na magbibigay ng P1,000 ay pangangakuan ng tubo ng mula sa P5,000 hanggang P10,000. Ang investment na P35,000 ay tutubo ng P180,000 hanggang P360,000
Hindi kaya nagduda ang mga biktima na sa laki ng ibinibigay na tubo ay tiyak na ito ay isang uri ng scam o panloloko?
Ang bagay na ito ay mahirap maunawaan ng mga biktima ng swindling. Kasi agad nilang iniisip ang malaking tubo na kanilang tatanggapin sa kanilang maliit na investment.
Hindi na sila natuto na walang legal na negosyo na magbibigay ng tubong P5,000 hanggang P10,000 sa investment na P1,000 lamang.
Bakit maraming nabibiktima ang mga swindler na katulad sa raket ni Miranda?
Marami kasi tayong mga kababayan na madaling utuin at madaling magtiwala sa kapwa sa kabila ng katotohanang kaliwa’t kanan ay mayroong swindler na pag-iinteresan ang iyong salapi na kinita mo sa malinis at mahirap na paraan.
Habang mayroon tayong mga kababayan na gahaman din sa malaking tubo, hindi mawawala ang mga swindler sa lipunan.
Patuloy silang mabibiktima ng mga mamamayang gusto ring maging biglang yaman at magkamal nang maraming pera na hindi nila pinaghirapan.
May kasalanan din ang mga biktima ng scam na mukhang willing partners in crime dahil sa pagkagahaman.
Maiiwasan lamang na mabiktima ng mga swindler kung ang tao ay hindi magiging gahaman sa salapi.