HINATULANG may sala si Lance Corporal Joseph Scott Pemberton sa noong Martes ng hapon. Matapos ang 14 na buwan nang matagpuan ang bangkay ni Jennifer Laude sa loob ng banyo ng isang motel sa Olongapo, napatunayan nang walang kaduda-duda na si Pemberton nga ang pumatay kay Laude. Hinatulan ng anim na taon hanggang 12 taong pagkakulong sa Pilipinas. Pero tila hindi pa tapos ang laban.
Inutos ng korte na ikulong na si Pemberton sa Bilibid. Pero hindi pumayag ang mga escort na Amerikano ni Pemberton at ibinalik siya sa Camp Aguinaldo kung saan siya inilagay habang dinidinig ang kanyang kaso. May kasunduan umano sa Visiting Forces Agreement (VFA) hinggil sa mga Amerikanong sundalo na masasangkot sa krimen sa bansa. Inutos ng korte na ipakita ang kasunduan na iyan.
Bagama’t ikinatuwa ng pamilya ni Laude ang desisyon laban kay Pemberton, hindi sila natuwa sa iksi ng panahon ng kanyang parusa. Imbis na “murder” ang kasong isinampa kay Pemberton, “homicide” lang, kaya ganyan ang parusa. Habang-buhay na kulong sana kung “murder” ang tinanggap ng hukuman. Ayon sa korte, hindi natupad ang mga kundisyon o kalagayan para masabing “murder” ang ginawa. Bagay na hindi sinang-ayunan ng mga abogado ng pamliya ni Laude. Malinaw daw na may pagmamalabis, at malinaw na mas malakas si Pemberton kay Laude dahil nga isang sundalo. Planong iangat ang desisyon sa Korte Suprema.
Kaya ngayon, hindi pa alam kung saan tuluyang makukulong si Pemberton, kung makukulong man. Natatandaan ninyo si Daniel Smtih, isang Amerikanong sundalo na hinatulan ng panggagahasa kay “Nicole”. Habang-buhay na kulong ang naging sentensiya nya, pero hindi siya nakatikim ng kulungan sa bansa, dahil sa embahada ng Amerika siya inilagay. Inangat sa Court of Appeals ang kanyang kaso, at dito nagdesisyon na walang sala si Smith. May hinala na nagkaroon ng kasunduan si “Nicole” at ang Amerika para bawiin niya ang kanyang unang salaysay ng mga pangyayari sa Subic.
Kung ano ang sunod na kabanata sa kaso ni Pemberton, maghihintay na naman tayong lahat. Isyu na naman ang VFA at kung paano hindi madedehado ang bansa. At sa kasong ito, may napatay na Pilipino. Dapat nga mas pabor sa bansa ang magiging desisyon kay Pemberton.